Labing-apat na taong gulang pa lang si Ryan (binago ang ngalan). Di niya alam ang gagawin nang itapon siya sa madumit madilim na kulungan. Puro may edad na ang kasama niya roon; karamihan ay labas-masok na kumbaga. Dahil walang abogado o social worker, nasa kamay na lang nila at ng ilang abusadong pulis ang kapalaran ni Ryan.
Sinuntok siyat sinipa bilang tradisyunal na pagsalubong sa mga bagong bilanggo. "Takal," ika nga sa salitang preso. Makalipas ang ilang araw, kinursunada siya ng gang. Binantaang gugulpihin uli kung di pumayag magpa-tatoo. Taglay niya ngayon ang limang itim na tuldok-tatak ng Sigue-Sigue Sputnik.
Ano kaya ang tumatakbo sa murang-isip ni Ryan? Alam ba niyang karapatan niya sa Konstitusyon at sa UN Convention on the Rights of the Child na alagaan ng Estado? Iniisip niya kayang lumaya at magbagong-buhay, o sumama sa gang sa mga gimik at raket oras na makatakas?
Idinudulog ng Preso Foundation si Ryan kay Interior Sec. Joey Lina. Ayon sa batas, ani president Msgr. Antonio Rañada SVD, dapat ay ilipat si Ryan sa bahay-ampunan ng Department of Social Welfare and Development. Pakiusap niya kay Lina, bilang chairman ng National Police Commission at tagapamahala ng Bureau of Jail Management, na iutos sa lahat ng piitan sa presinto na alamin agad kung sino ang mga menor de edad at ilipat sila agad sa kamay ng social workers ng DSWD. Siya nawa.