Editoryal — Makahuli sana ng 'buwaya' ang BIR

NAKATUTUWANG malaman na gumagawa na ng hakbang ang Bureau of Internal Revenue (BIR) para mahuli ang mga kawatan sa kanilang tanggapan. Isang tagumpay hindi lamang sa bureau kundi pati na rin sa taumbayan na nagbabayad ng buwis para umunlad ang bansang lugmok na sa kahirapan. Sa sinabi ng BIR na iniimbestigahan na nila ang may 127 BIR employees ay isang magandang pangitain na malilinis din ang tanggapang batbat ng katiwalian. Ang BIR ay nakikipagpaligsahan sa Bureau of Customs at Department of Public Works and Highways sa pagiging corrupt na tanggapan ng pamahalaan. Maraming matatabang "buwaya" sa BIR. Subalit mas nakatutuwang malaman kung hindi lamang mga "butiki" kundi mga "buwayang" opisyal ang kanilang lalambatin.

Kamakailan, tatlong Revenue District officials ang ibinulgar ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ) na namumutiktik sa yaman. Ang tatlong opisyal na pawang nakatira sa mga ekslusibong subdibisyon ay nagmamay-ari pa ng mga mamahaling sasakyan. Nakahiga sila sa yaman gayong kuwestiyunable ang kanilang kinikita at hindi angkop sa kanilang ari-arian. Kamakalawa, sinabi ni BIR Commissioner Guillermo Parayno, na tatlong opisyal pa ang sinampahan na nila ng kaso dahil sa falsification of public documents.

Pinamumugaran ng mga gutom na buwaya ang BIR at sa mga nakalipas na taon, walang commissioner na nagkalakas ng loob para putulin ang kanilang pangil. Ngayon na lamang may naglakas-loob. Ang mga nahuli ng BIR sa panibago nilang kampanya laban sa katiwalian ay "ga-tinga" lamang. At kung makahuli man ng malaking "buwaya" may pagkakataon pa ring makahulagpos sa bitag at makalaya. Katulad ng nangyari kay Director II Antonio Montemayor na makaraang kasuhan ng Presidential Anti-Graft Commission (PAGC) ay naghabol sa Korte at nabaligtad ang desisyon. Wala palang hurisdiksiyon ang PAGC na itinatag ni President Gloria Macapagal-Arroyo. Pinagpapaliwanag ng PGAC si Montemayor kung bakit hindi isinama sa kanyang Statement of Assets and Liabilities (SAL) ang dalawang mamahaling sasakyan. Naghinala ang PAGC kay Montemayor sapagkat hindi tumutugma ang kanyang suweldong P30,000 sa milyones na halaga ng sasakyan.

Kung ang taga-BIR mismo ang pupugot sa mga pangil ng buwaya, mas magiging makatotohanan sapagkat alam nila humigit-kumulang ang likaw ng bituka. Hindi sana pakitang-tao lamang ang paglilinis ng BIR sa mga kawatan. Iyan ang magiging tunay na tagumpay ng taumbayan.

Show comments