Hindi pala maaaring "iduplicate" ng PAGC ang awtoridad ng Ombudsman kung ang pag-uusapan ay ang pagkaso sa mga tiwaling opisyal. Hindi pala maaaring magsagawa ng imbestigasyon ang PAGC laban sa mga inaakusahang opisyal na sangkot sa katiwalian. Wala palang awtoridad. Isang malaking katanungan kung bakit naiisyu ni Mrs. Arroyo ang EO No. 12 na hindi narepaso ang magiging papel o kapangyarihan nito sa pagdakma sa mga kawatan ng pamahalaan.
Nakuwestiyon ang PAGC sa awtoridad nito makaraang umapela ang abogado ng isang BIR director na naakusahan ng "pandaraya" sa kanyang statement of assets and liabilities (SAL). Pinagpapaliwanag ni PAGC Dario Rama si Director II Antonio Montemayor kung bakit hindi nito isinama sa kanyang SAL and dalawang mamahaling sasakyan na nagkakahalaga ng P3 milyon. Nagduda ang PAGC sapagkat ang suweldo lamang ni Montemayor ay P30,000 isang buwan. Ayon kay Rama, disproportionate ang salary ni Montemayor sa halaga ng dalawang sasakyan.
Pero ang pag-iimbestiga ng PAGC ay nawalan ng saysay sapagkat kinuwestiyon ang hurisdiksiyon nito. Wala palang ibang makapag-iimbestiga at makapagpa-file ng kaso sa mga tiwaling opisyal kundi ang Ombudsman lamang.
Walang nagawa ang PAGC. Ngayoy lalong lumabo ang pag-asang makahuli ng mga "malalaking buwaya" na nagpapakabundat sa yaman. Ang PAGC ay walang ipinagkaiba sa "panakot-uwak" walang lakas, walang laban.