Sinimulan ni Lim ang "spray-painting campaign" noong 1997 na siya pa ang mayor ng Maynila. Bawat pintuan ng mga pinaghihinalaang pushers ay iniispreyan niya ng pulang pintura at nakasulat "BAHAY NG PUSHERS!" Ang kampanya ay bunga ng Manila Ordinance 7926. Marami ang bumatikos sa kampanya ni Lim sapagkat labag ito sa karapatang pantao. Nilalabag din ang privacy at sinisira (vandals) ang pag-aari ng isang tao. Noong June 26, 2000, ibinasura ng Court of Appeals ang ordinansa. Naghabol si Lim sa Supreme Court subalit muling ibinasura with finality noong February 2001.
Nais ibalik ang kampanya ngayong binigyan siya ng kapangyarihan. Pero mas marami ang bumabatikos. Pati mga mayor sa Metro Manila ay hindi sang-ayon sa kampanyang "spray-painting".
Hindi epektibo ang "spray-painting". Mas makabubuti kung pagtutuunan ng pansin ang pagdakma sa mga big time drug trafficker, kasuhan ang mga ito kung may matibay na ebidensiya at bulukin sa bilangguan o bitayin kapag napatunayan. Hindi na magiging mahirap kay Lim ang paghanap sa mga suspected pushers sapagkat may talaan ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) kung gaano na karami ang mga pushers dito sa Metro Manila. Ayon sa PDEA, nangunguna ang Metro Manila sa may pinaka-maraming pushers at pumapangalawa ang Southern Tagalog. Kung iispreyan ni Lim ang pintuan nang may 3,659 pushers dito sa Metro, gaano karaming pintura ang kanyang aaksayahin gayong hihiyain lamang pala. Lalabag pa siya sa batas.
Ang kinakailangan sa malalang problemang ito sa droga ay madurog ang sindikato. Bunutin ang ugat at itapon sa apoy. Hanggat hindi naaalis ang ugat, patuloy ang paghaba ng mga sanga at patuloy ang pagkalat ng droga.