Sanib

ANG biktima sa kasong ito ay si Nonie, 13-anyos at panganay na anak sa isang mahirap na pamilya. Nang mapansin ng kanyang mga magulang ang pagtawa at pagsasalita niyang mag-isa, dinala siya kay Matilde, isang faith healer. Matapos matingnan ni Matilde si Nonie, pinayuhan nito ang mga magulang na ipaubaya ang "healing prayer" para sa bata nang wala sila dahil baka lumipat sa kanila ang masamang espiritu na sumanib dito.

Ilang oras pa ay dinala na ni Matilde si Nonie sa "prayer room." Sa puntong ito ay nangingitim at maga na ang mukha ng bata at ang dila nito ay nakalabas na. Kumbinsido na ang ama na patay na si Nonie subalit pinahintulutuan pa rin niyang pagamot ang anak dahil umaasa itong bubuhayin ni Matilde pagkaraan ng dalawang oras. Sumapit ang dalawang oras, nanatili pa ring patay si Nonie. Nailibing na lamang ang katawan ni Nonie sa sementeryo matapos makuha ang sertipiko ng kamatayan nito na may lagda ng ama.

Subalit ang ritwal na ginawa kay Nonie ay nasaksihan ni Fanny, isang 10-anyos na bata. Narinig niya habang naglalaro ang iyak ni Nonie ng "Tabang Ma" (mother’s help). Nakita niya ang mga kasapi ng kulto na inilubog ang ulo ni Nonie sa isang drum ng tubig. Pagkatapos ay itinali ito sa silya habang binubuhusan ni Matilde ng tubig ang bibig nito. At kapag pumipiglas si Nonie, iniuumpog ang kanyang ulo sa silya. Samantala, salitan namang sinusuntok ang dibdib nito ng dalawang babaing kasapi matapos sapilitan itong painumin ng tubig at pagkatapos ay dadaganan ng isa pang kasapi ang katawan nito. At panghuli ay sinaksak ni Matilde ang tagiliran ni Nonie at isinahod ang isang plastic na lalagyan sa tumutulong dugo nito.

Basehan ang testimonya ng pangunahing saksing si Fanny, sina Matilde at ang pitong kasapi ng kulto ay hinatulan ng kasong murder. Ayon sa mababang hukuman, sila ay may pananagutan sa lahat ng mga naging resulta ng kanilang pananakit kay Nonie lalo na ang naging kamatayan nito.

Dagdag pa rito, pataksil daw ang kanilang pagpatay kay Nonie kaya naging murder ang kanilang hatol. Tama ba ang Korte?

MALI
ang Korte sa paghatol ng murder kina Matilde at mga kasapi nito. Dapat ay reckless imprudence resulting to homicide. Ang mga akusado bilang mga kasapi ng kulto at ang ginawa nilang ritwal ay may permiso ng mga magulang ni Nonie. Subalit sa kasawiang palad, hindi naging epektibo ang kanilang panggagamot na siyang nagresulta ng kamatayan ni Nonie.

Ang pagkamatay ni Nonie ay sanhi ng kapabayaan ng mga akusado. Wala silang intensyon na patayin ito dahil ang paniniwala nila ay gagaling ang bata sa pamamagitan ng proseso ng kanilang panggagamot. Katulad ito sa isang taong gumagamot ng walang medikal na kaalaman subalit nagreresulta ng kamatayan ng kanyang pasyente. (Pp. vs. Carmen G. R. 137268, March 26, 2001, 355 SCRA 267).

Show comments