Intersado sa Rent-to-Own Program sa Pag-IBIG

Dear Sec. Mike Defensor,

Tagasubaybay po ako ng inyong column dito sa malaganap na Pilipino Star NGAYON. Binabati ko kayo sa walang sawa ninyong pagbibigay ng payo sa mga katulad kung nangangarap magkaroon ng sariling lupa at bahay.

Ako ay isang OFW dito sa Saudi Arabia. Minsang bumili ako ng PSN, nabasa ko sa column n’yo tungkol sa Rent-to-Own Program ng Pag-IBIG. Nabuhayan ako ng loob sa aking nabasa at naglakas-loob akong sumulat dahil nais kong mabiyayaan ng programang ito.

Kung maaari sana ay maging miyembro ako ng Pag-IBIG Overseas Program. Nais ko rin po sanang mabigyan ng listahan ng mga bahay sa ilalim ng Rent-to-Own at kahit po iyong mga murang pabahay na puwedeng i-housing loan sa Pag-IBIG. –LOIDA N., Saudi Arabia


Ipadadala ko sa iyo ang dalawang kopya ng membership form, na iyong kukumpletuhin. Lakipan mo ito ng dalawang ID pictures 1 x 1 at maaari mo itong ipadala sa iyong mga kamag-anak upang isumite sa Pag-IBIG Overseas Program Office, 6th floor, Atrium Building, Makati Avenue, Makati City. Para sa karagdagang impormasyon maaari silang tawagan sa telepono blg. 811-42-72, 811-40-54.

Ipadadala ko rin sa iyo ang listahan ng mga bahay sa ilalim ng Rent-to-Own Program at listahan ng murang pabahay na puwedeng bilhin sa pamamagitan ng housing loan sa Pag-IBIG. Maaari mo itong ipakita sa mga kababayan nating kasama mo diyan na nagtatrabaho. Mag-ingat ka diyan sa Saudi at patnubayan nawa lagi ng Diyos.

Show comments