Ang pag-akyat sa langit ni Jesus

IPINAGDIRIWANG natin ngayon ang kapistahan ng Pag-akyat sa langit ni Jesus. Sa apat na Ebanghelista, may iba’t ibang bersiyon kung kailan naganap ang Pag-akyat sa langit ni Jesus. Si Mark ang pinakahayagang nagsalarawan nito (Mk. 16:15-20).

"Sinabi ni Jesus sa kanila, ‘Humayo kayo sa buong sanlibutan at ipangaral ninyo sa lahat ang Mabuting Balita. Ang sumampalataya at mabautismuhan ay maliligtas, ngunit ang hindi sumampalataya ay parurusahan. Ang mga sumasampalataya at magtataglay ng ganitong tanda ng kapangyarihan: Sa pangalan ko’y magpapalayas sila ng mga demonyo at magsasalita ng ibang wika; sila’y hindi maaano dumampot man ng ahas o uminom ng lason; at gagaling ang mga maysakit na mapatungan ng kanilang mga kamay.’

Pagkatapos magsalita sa kanila, si Jesus ay iniakyat sa langit, at lumuklok sa kanan ng Diyos. Humayo nga ang mga alagad at nangaral sa lahat ng dako. Tinulungan sila ng Panginoon sa gawaing ito. Pinatotohanan niya ang Salitang kanilang ipinangangaral sa pamamagitan ng kapangyarihang gumawa ng himala, na ipinagkaloob niya sa kanila."


Ang Pag-akyat sa langit ni Jesus ay nagsasabi sa atin ng tiyak na patutunguhan pagkatapos ng buhay na ito upang makapiling si Jesus sa kanan ng Ama. Ang layunin ng ating Ama ay ang ibahagi sa ating lahat ang kanyang kagalakan at kaluwalhatian. Ang ating Mahal na Ina ay kapiling na ng Ama at nakikibahagi sa kagalakan at kaluwalhatian ng kanyang Anak na si Jesus.

Para sa ating mga Kristiyano, ang kamatayan ay isang maluwalhating pintuan na ating daraanan upang makibahagi sa naturang kagalakan at kaluwalhatian ng ating Ama. Ito ang mga malalalim na pagninilay na inihahandog sa atin ng ating pananampalataya habang ating ipinagdiriwang ang kapistahan ng Pag-akyat sa langit ni Jesus.

Show comments