Sampung araw ang hiniling na tigil putukan ng MILF na magsisimula sa Lunes (June 2). Ayon sa MILF ang kahilingan ay bunga nang marubdob na pakiusap ng maraming grupo na matigil ang labanan at pag-usapan ang kapayapaan. Sinabi pa ng MILF na isa ang maimpluwensiyang Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) sa humihiling na magkaroon na ng pag-uusap.
Humihiling ng tigil putukan ang MILF subalit taliwas sa kanilang ginawang pananalakay kamakalawa na nagbunga na naman sa pagkamatay ng limang sibilyan. Paano pa pakikinggan ang kahilingan kung gumagawa ng pagsalakay? Nararapat marahil tanungin ng bawat miyembro ng MILF ang kanilang sarili kung alam ba talaga nila ang kahulugan ng salitang "kapayapaan". O ang kanilang kahilingan sa tigil putukan ay isang panibagong istratehiya para magsagawa ng panibagong paglusob.
Sa panibago nilang pagsalakay, sinabi ni MILF Spokesperson Eid Kabalu, na hindi nila napagsabihan ang kanilang mga commander sa kahilingang tigil putukan. Gayunman binigyang katwiran ni Kabalu, na ang limang napatay sa ginawang pagsalakay sa dalawang Army detachments ay mga militiamen. Ang mga bahay anilang sinunog doon ay pag-aari ng mga sundalo.
Ang pamahalaan ay nagpapakita ng kalambutan laban sa mga terorista. Sa kabila na ipinag-utos na ang pambobomba, hindi pa rin maipakita ang talagang tigas para masupil ang ginagawang pagmasaker sa mga sibilyan at pagsira sa maraming ari-arian. Hindi pa rin naman ganap na maideklarang terorista gayong lantaran na ang walang awang pagpatay. Halimbawa ang pagtatanim ng bomba sa maraming lugar sa Mindanao na ang napapatay pa ay mga inosenteng bata.
Humihiling ng tigil putukan ang MILF subalit walang tigil sa pagsalakay. Dapat pa bang pakinggan ang kanilang kahilingan? Dapat ba silang paniwalaan?