Balita koy may bagong proyekto ang Department of Trade and Industry para sagipin ang mga kawawang vendors sa kuko ng mga usurero. Inatasan ni Trade Secretary Mar Roxas ang SB Corp. na pondohan ng P10 milyon ang programang pagpapautang ng National Vendors Confederation of Cooperatives (Namvesco). Sana lumawak pa ito at maging pangmatagalan sa kapakanan ng mga maliliit nating kababayang nagsisikap mabuhay nang marangal. Pero linsyak, ang binubuhay pala nilay mga masisibang usurero! Kunway nagpi-finance sa kanila pero sinisimot pati kahuli-hulihang patak ng kanilang dugo. Kaya napapanahon ang proyektong ito ng DTI. Ang maganda sa programang itoy hindi isang dole-out o bigay. Pautang ito ng gobyerno na babayaran ng mga vendors sa napakagaan na paraan.
Ang SB Corp. ay isang sangay ng DTI na may pondong P25 milyon na nakalaan bilang kapital ng mga market vendors. Ang Namvesco naman ay isang pederasyon ng 46 na market vendors cooperatives na itinatag noong Agosto 1979 ni dating Assemblyman Luis Taruc. Sa bisa ng isang kasunduan, pinautang ng SB Corp. ang Namvesco ng P10 milyon na ipauutang naman ng Namvesco sa mga kasapi ng Market Vendors Cooperatives sa Maynila, Quezon City, Rizal, Laguna at Batangas.
Ayon kay Roxas, ang bawat miyembro ng mga MVCs ay puwedeng umutang ng hanggang P50,000 upang magamit sa kanilang negosyo. Malaki-laking puhunan na iyan para mapaunlad ang kabuhayan ng ating mga kababayang vendors. Ang programang ito ay ayon sa plano ng pamahalaan na maitaas ang antas ng kabuhayan ng mamamayan.
Hindi lang iyan. Naglaan din ang SB Corp ng P15 milyon upang pondohan ang mga proyekto ng MVCs sa ilalim ng tinatawag na "development loans." Ang pautang ay puwedeng gamitin ng mga MVCs sa pagbili ng mga ari-arian at iba pang proyektong pakikinabangan ng kanilang mga miyembro.