Nang biglang pasukin ng pinagsanib na Moro Islamic Liberation Front at Abu Sayyaf ang Siocon, Zamboanga del Norte, naghiyawan ang mga pulitiko na failure of military intelligence kaya maraming namatay na sibilyan. Pero nang tugisin naman ng mga sundalo ang mga terorista, naghiyawan din ang mga pari na itigil ang giyera dahil dadami lang ang mamamatay. At nang hindi pumayag ang AFP na mag-armas ang mga vigilanteng Kristiyano at dating MNLF rebels, naghiyawan din na wala itong utang na loob. Ano naman ang gusto nilang gawin ng AFP, tumahimik na lang sa isang sulok?
Tungkulin ng AFP panatilihin ang kaayusan at protektahan ang civilians laban sa mga armadong grupo sa Mindanao-maging vigilantes, kidnappers o secessionists. AFP ang may kapangyarihan, ayon sa Konstitusyon. Walang ibang puwedeng mag-armas kundi ang pulis, iba pang law enforcement units, at mga indibidwal na may lehitimong rason magdepensa. Kasi nga naman, kung lahat may armas, lalong magulo.
Totoo, maraming namamatay kung may giyera. Pero hindi naman AFP ang naghahanap ng gulo. MILF, Abu Sayyaf at Pentagon Group ang nagsisimula nito sa pamamagitan ng pangingidnap, pagpapasabog at panununog. Hinahabol sila ng AFP para isailalim sa batas-ihabla, litisin, ikulong.
Nagugulo ang marami sa sitwasyon. Kasi pag nagputukan na, ang naiisip ay kung anu-ano. Nalilimutan ang batas at ang sistema.
Nagkakamali rin ang AFP. Natural lang ito sa isang organisasyon na binubuo ng mga tao. Kung minsan, naisusubo ang mga sundalo sa alanganin. O kaya, inosenteng sibilyan ang nasasalakay. Pero may sistema rin sa loob ng AFP para ituwid ang pagkakamali at, kung dapat, parusahan ang nagkamali. Di batikos kundi suporta ang ibigay natin.