Maingay ang kapitbahay

Maaga kaming natutulog kung gabi dahil madilim pa ay kinakailangan na naming magtinda ng mga gulay sa palengke. Okay lang naman ang sitwasyon namin kahit nakakapagod.

Maayos na sana ang lahat pero nagsimulang sumakit ang mga ulo namin dahil sa perwisyong idinudulot ng aming kapitbahay. Halos gabi-gabi ay nag-aaway ang mag-asawang Ronnie at Melba dahil sa ginagawang pakikibarkada ni mister. Hindi lamang sigawan ang nagaganap sa bahay nila. Nagbabatuhan din ng pinggan ang mag-asawa. Dagdag pa dito ay ang pagpapatugtog ng malakas na musika mula sa stereo nila.

Inis na inis na ang pamilya ko dahil ang aming matiwasay at tahimik na pamumuhay ay nahahaluan ng kamalasan. Ito ay dahil hindi na kami makapagpahinga at makatulog ng maayos.. Nais ko sana ireklamo ang mag-asawa, pero kanino ‘ko dapat ilalapit? Sa pulis o sa barangay? – Emil Ramirez, Marikina City


Ang gabi-gabing pag-iingay nina Ronnie at Melba ay maituturing na nuisance. Sa ilalim ng Article 694, ang pag-iingay ng halos araw-araw ng mag-asawa ay ang pangunahing dahilan na nakakasira sa kalusugan ninyo dahil hindi na kayo makatulog ng wasto at hustong oras ng pamilya mo. Maliban dito, ang malakas na tawanan, kuwentuhan at pagkatapos ay ang pag-aaway ay nakakainis sa inyong mga kapitbahay dahil tulog na kayo dapat sa mga oras na ‘yon. This is a disturbance of your peace of mind.

Ito ay isang public nuisance dahil hindi lamang kayo ang naabala sa pag-iingay ng mag-asawa. Pati na rin ang mga iba pang kapitbahay ay napeperwisyo sa pag-iingay nila. Ngunit kung kayo lang ang napeperwisyo, ito ay matatawag na private nuisance.

Mas mainam sana na ipaabot mo muna ang reklamo n’yo sa mag-asawang Ronnie at Melba. Pinakamaganda kung ito ay maaayos n’yong magkapitbahay. Ngunit kung ayaw tumigil sa pag-iingay ng mag-asawa, dapat ay iparating mo ang ‘yong sumbong sa barangay. Ayon sa Local Government Code, ang lupong pang-barangay ay may hurisdiksyon na aksyunan ang inyong reklamo dahil ito ay may kinalaman sa peace and order sa loob ng inyong barangay.

Show comments