Sinulat ko na hindi ni-remit ng PNP ang milyon-milyong piso na kinaltas nung Disyembre sa suweldo ng mga pulis pambayad sana sa utang nila sa Armed Forces & Police Savings and Loan Association. Ang naputukan ay ang libu-libong kawawang kinaltasan. Para maka-utang muli, kailangan abonohan nila ang dati nang kinaltas sa kanila, at may multa pang pinataw ang AFPSLAI.
Banat ni PNP comptroller Chief Supt. Oscar Calderon sa kalabang diyaryo, hindi raw nila sinasadya ang pangyayari. Kinapos daw kasi ang pera ng PNP. Matapos daw nilang bayaran ang BIR, Pag-IBIG, Philhealth at iba pang financial institutions, wala nang natira para sa AFPSLAI.
Mababaw na palusot yan. Ang pinambayad nila sa BIR at iba pa ay kinaltas din mula sa suweldo ng pulis, tulad ng pambayad-utang sa AFPSLAI.
Hindi ito pera ng PNP kundi ng mga pulis. Hinawakan lang nila ito para organisadong i-remit sa AFPSLAI o ano pa mang ahensiya. Kaya, papano sasabihin na kinapos ang pera ng PNP?
Sumulat sa akin si retired PNP Dir. Rufino G. Ibay Jr., president ng AFPSLAI, para magpasalamat. Ayon sa kanya, ni-remit naman daw ng PNP ang kinaltas sa suweldo ng mga pulis nung Enero, Febrero at Marso.
Teka, ibig sabihin pala yun lang deductions nung buwan ng Pasko ang inipit? Naku, baka totoo ang ugong-ugong sa Camp Crame na pinag-interesan ng kung sinong opisyal ang pera ng mga pulis. At malaking interes yon. Baka raw nilagay sa money market ang mahigit P628 milyon na kinaltas, para ibulsa ang interes. Abay sa 2% per quarter lang apat na buwan na ngang late ang pag-remit P12.56 milyon na ang interes sa P628 milyon. Tama nga ako: pati kapwa-pulis kinokotongan.