Marami ang namulat sa SARS pero may isang hindi napapansin na maaaring dahilan ng pagkalat ng killer pneumonia ang air pollution. Malaki ang posibilidad na kasama ng maruming hangin ang SARS. At dahil polluted ang hangin ng Metro Manila, malamang na kumalat ang sakit. Gaano karaming commuters ang naglalakbay sa kahabaan ng EDSA araw-araw. Ngayon, dahil sa pananalasa ng SARS na umanoy nakalanghap sa hangin, mas pinaiikli ang buhay ng tao.
Namulat ang marami sa SARS pero ang grabeng pollution na hatid ng mga kakarag-karag na bus, incinerators, at ang walang patlang na pagsusunog ng mga basura ay hindi nabibigyan ng pansin. Ang Clean Air Act na matagal bago naipasa at pinagdebatehan nang katakut-takot noong 1999 ay wala pa ring silbi. Hanggang sa kasalukuyan, patuloy ang paglabag sa batas at araw-araw ay nanganganib ang kalusugan ng mamamayan dahil sa killer usok na kanilang nalalanghap. Walang ngipin ang Clean Air Act at hindi makagat ang mga abusadong operator ng mga bus companies, establisimiyentong gumagamit ng incinerators at wala ring kapangyarihan para kastiguhin ang mga pinunong ningas-kugon.
Walang maipakita ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa lubusang pagpapatupad ng Clean Air Act. Ganyan din naman ang Department of Transportation and Communications (DOTC). Pawang "praise release" ang DOTC tungkol sa anilay paghuli sa mga sasakyang nagbubunga ng nakalalasong usok. Maging ang Land Transportation Office ay pilay at nagiging gatasan lamang ang mga may-ari ng sasakyan dahil sa emission testing. Ang emission testing ay bahagi sa pagpapatupad ng Clean Air Act. Binuhay ng Clean Air Act ang mga corrupt sa DOTC at LTO.
Marami ang namulat sa SARS pero marami pa rin ang hindi nila nakita. Nararapat iimplement ang Clean Air Act upang mailigtas ang taumbayan sa unti-unting pagkamatay.