Sinaksak sa terrace ng bahay

KASO ito ng pagkamatay ni Magno, asawa ni Chona. Ayon sa testimonya ni Chona sa Korte, nagmamay-ari sila ng isang sari-sari sa kanilang bahay. Isang araw, nabigla na lamang sila sa pambabato ni Nardo sa kanilang bahay. Pagkatapos ng pambabato, nakuha pa nitong bumili ng sigarilyo sa kanila. Sinita ni Magno si Nardo, dahilan ng matinding pag-aaway ng dalawa. Natapos lamang ang away nang awatin sila ng mga barangay tanod.

Makalipas ang ilang minuto, ayon kay Chona, bumalik si Nardo sa kanilang bahay. Nakita niya ang asawang si Magno sa kanilang terrace at pinuntahan ito ni Nardo at bigla itong sinaksak sa tiyan. Isang metro ang kanyang layo, nakatalikod sa kanya ang asawa habang nakaharap ito kay Nardo. Tumakbo si Nardo nang magsisigaw si Chona.

Samantala, dinala ng mga tanod ang katawan ni Magno sa ospital subalit namatay din ito. Namatay si Magno dahil sa saksak sa dibdib sa lalim na 3 cm.

Nahatulan ng Korte si Nardo ng murder. Dahil sa pataksil na paraan ng pagpatay, at may parusang kamatayan dahil sa aggravating circumstance na dwelling. Tama ba ang hatol ng Korte?

Tama
Ang Korte nang hatulan si Nardo sa pagpatay kay Magno dahil sa positibong pagtukoy sa kanya ni Chona. Subalit mali ang hatol na murder sa iginigiit ni Chona na treachery o pataksil na pagsaksak sa kanyang asawa. Hindi ito napatunayan sa korte dahil nakatalikod sa kanya ang asawa nang saksakin ito.

Tama naman ang Korte sa aggravating circumstance na dwelling. Nabibilang sa terminong dwelling ang anumang bahagi ng bahay pati na ang baitang ng hagdan at terrace. Sa kasong ito, napatay si Magno sa kanilang terrace. Ayon din sa batas, para maisaalang-alang ang dwelling, kinakailangang ang hamon sa away ay nagmula sa biktima. Sa kasong ito, hindi nagmula kay Magno ang away kundi sa ginawang pambabato ni Nardo.

At dahil hindi napatunayan ang qualifying circumstance na treachery, ang pagpatay kay Magno ay homicide lamang at hindi murder. At dahil may aggravating circumstance na dwelling, Ilalapat ang maximum penalty ng homicide na 12 taon minimum hanggang 20 taon maximum kasama ang P20,000.00 na bayad-pinsala (People of the Philippines vs. Rios G. R. 132632 June 19, 2000).

Show comments