Abay lulubog talaga. Kasi pikit-mata lang sila sa mga anomalya sa SSS. Di lang yon, dinadagdagan pa nila.
Naisulat ko na kamakailan na binalewala ng trustees nung una ang pagpapasimuno ng high executives sa ilegal na welga nung Agosto 2001. Nang magdemanda ang Philippine Association of Retired Persons, saka lang nagka-interes ang trustees. Inarbor ang kaso sa Ombudsman at napatunayang namuno nga sina executive vice president Horacio Templo at senior-VP Marla Laurel, pero pinatawan lang ng multang isang buwan na suweldo. Pinababa nila kasi ang kaso sa simple negligence, imbes na grave misconduct na ang parusa ay pagsibak sa puwesto.
Sangkot din si Templo sa maraming anomalya nung panahon ni Carlos Arellano bilang SSS chief ni Erap. Kasama ang apat pang execs at siyam na Erap trustees, inalis nila ang pera ng SSS sa magagandang government securities at private stocks, at nilipat sa crony companies. Binuhos ang P15.6 bilyon sa PCIBank sa overprice na P1.2 bilyon kay Jose Velarde. Binalatuhan din ng P1.14 bilyon ang Belle Corp., P500 milyon ang Waterfront, at P167 milyon ang Security Bank. Nalugi ang SSS. Pero pikit-mata lang ang mga bagong trustees. Imbes na tugisin ang mga salarin, sinisingil sa employers ang nawalang pera.
Nakikipagsabwatan pa sila sa mga dating anomalya. Si bagong SSS president Corazon dela Paz, nakipirma kay Laurel ng kontrata sa DBP Service Corp. Walang public bidding, pero P240 milyon sa 2003 ang ibabayad sa DBPSC para sa clerical at secretarial services. May bukod pero kahawig pang kontrata sa SSS Retirees Service Corp. na wala ring public bidding. At dahil kinakapos ang pera ng SSS para sa mga kontrata, malapit nang itaas ang sapilitang kontribusyon nating mga miyembro.