'Ligaw na bala raw o'?

NAGBANTA, NANAKOT, NAGPADAGUNDONG itong si dating representante ng Zamboanga del Sur na si Romeo Jalosjos.

Ano ang ikinapuputok ng butche nitong convicted na Congressman sa salang pang momolestiya sa isang menor-de-edad na babae, itong nahatulan ng pagkabilanggo ng habambuhay? Sinisisi niya ang media, partikular na ang mga "tabloid" na naglathala ng insidente ng isang pamamaril na naganap sa New Bilibid Prisons, at siya ang pinangalanan na namaril, kung saan tinamaan at nasugatan ang isang inmate na si Marcos de Guzman nung Sabado de Gloria, April 19, 2003.

Si Jalosjos ay nakakulong sa isang MAXIMUM SECURITY COMPOUND. Saan nanggaling ang baril? Saan nga ba, NBP Director Ricardo Macala?

Libelo ang maaaring isampa ni Jalosjos laban sa mga tabloid na nag-headline ng balitang ito. Ang Pilipino Star Ngayon ay inilagay sa headline ang insidenteng ito. Hindi ko rin nakikita si kaibigang Editor-in-Chief na si Al Pedroche o ang aming Publisher na si G. Miguel Belmonte na nangangatog dahil sa pahayag ni Jalosjos na magdedemanda siya. Hala sige, banatan mo, Mr. Former Congressman! Demanda mo ang PSN. Tutal, wala ka namang ginawa sa loob ng kulungan. Marami kang panahon.

May mga Abogado ding De Campanilla ang aming pahayagan. Subalit bukod dito, ang paglalathala sa pangalan mo at sa insidenteng iyun, ay hindi gawa-gawa ng aming mga correspondents. May pinagkunan ng balita. Hindi kami gumagawa ng balita. MALICE ang pinaka-importanteng elemento sa kasong libelo. Eh, ano ba ang paki-alam naming sa ’yo dito. Ilang taon ka na ring hindi nalalagay sa dyaryo at lalo na dito sa PSN, bakit ka naman naming pag-aaksayahan ng panahon? Aber, paki paliwanag nga. Para sirain ang maganda mong pangalan! Naku, oo nga pala mga mambabasa ng pitak na ito, ilang taong iningatan ni Ex-Congressman Jalosjos ang kanyang walang dungis na pangalan. (tama ba, Atty. Katrina Legarda, Atty. June Ambrosio at iba pang mga abogado na tumulong sa biktimang babae nung mga panahong yun?)

Tapos, ngayon, sisirain lamang siya? Siya daw ay namaril ng isang kasama sa kulungan? Tama nga ba si ex-Congressman Jalosjos?

May naiulat na detalye sa pangyayari ng naturang insidente. Ayon sa mga ilang inmates, napikon daw si Jalosjos, diumano dahil ayaw daw sumunod sa kanyang utos itong si Marcos de Guzman. Alam mo, Mr. Jalosjos, sa halip na magdemanda ka, magpaliwanag ka na lang para hindi na humaba pa ang isyung ito. Ang nakababagabag sa aking isipan, hindi yung pamamaril, dahil meron namang mga hospital records na ang isang Marcos de Guzman ay tinanggap sa emergency room upang gamutin ang sugat sanhi ng tama ng bala sa Muntilupa Medical Center.

Ang nakakaasar dito ay ang pahayag na si De Guzman ay tinamaan ng ligaw na bala! LIGAW NA BALA, RAW O. Katarantaduhan! Paano naman nakapasok sa compound ng Maximum Security ang "ligaw na balang yan." ha, Director Macala?

Bakit tinawag na maximum security compound yan kung maari pa lang tamaan ng ligaw na bala ang isang inmate? Kung namamasyal ka sa Luneta, siguro maniniwala ako. Kung sa Iraq naman, ligaw na bomba ang dadale sa ‘yo! Ginagawa niyo namang gago ang taong bayan!

Ayon pa sa nakalap na balita, ang baril daw ay naagaw sa isang escort ni Jalosjos at nagkaroon pa raw ng pambubuno para sa baril bago binaril itong si Marcos de Guzman. Sino raw ang bumaril. Ayon sa NBP Director, baka ligaw na bala. Ayon naman sa ibang testigo si Romeo Jalosjos ang bumaril. Alin ba talaga ang tama? Ano sa palagay niyo, mga mambabasa ng CALVENTO FILES? Paki text niyo sa akin sa 09179904918.

Ang magandang tanong ulit dito ay bakit nagkaroon ng baril sa loob ng maximum security compound? Hindi ba dapat na sibakin si Director Ricardo Macala sa dami na ng eskandalong kumukuyog sa kanya?

Kung kulang pa, narito ang narinig kong paliwanag ni Macala. "Kapag meron daw nangyari sa mga Yap (Rey Yap, isang dating Mayor sa Mindanao na political rival daw ni Jalosjos) si Jalosjos ang may kagagawan. Kung meron namang mangyari kay Jalosjos, ang mga Yap naman ang pinagbibitangan."

Hanggang New Bilibid Prisons may bahid pa rin ng politika. Subalit ang hindi ko matanggap at kasuka-suka ng sabihin ni Director Ricardo Macala, ligaw na bala ang tumama kay De Guzman. Dapat palang naka-helmet at bullet proof vest ang mga nakakulong sa NBP.

Isa rin ang inaasahan ko at hindi na rin ako magugulat, kung biglang magiging mailap sa mamamahayag, at isa-isang magpupulasan ang mga nagbigay ng pahayag tungkol sa pagkabaril ni Marcos De Guzman.

Kung hindi ka nga involved sa insidenteng yun, inaanyayahan kita, Ex-Congressman Romeo Jalosjos na magbigay ng iyong pahayag tungkol sa insidente at sinisiguro ko sa ‘yo na ilalathala ko ng buong buo ang iyong bersyon. Hindi maliligaw ang sulat mo, kaibigan. Di tulad ng balang naligaw.

Para sa inyong comments at reaksyons, naniniwala ba kayong ligaw na bala nga ang tumama kay Marcos de Guzman, paki-text lang sa 09179904918.

Maaari din kayong tumawag sa CALVENTO FILES 7788442.

"HAYAAN NIYONG MAGING ISANG AMA ANG INYONG LINGKOD. BINABATI KO ANG AKING ANAK NA SI JC CALVENTO NA ISANG MALIGAYANG 16TH BITHDAY. GALING SAMIN NG KAPATID MONG SI SONNY AT ANG IYONG PAPA. JESUS LOVES YOU."

Show comments