Noong Lunes, banner story ng Pilipino Star NGAYON ang pamamaril ni dating Congressman Romeo Jalosjos sa isang inmate. Tinamaan sa hita si Marcos de Guzman, 40. Naganap umano ang pamamaril sa kubong pahingahan ni Jalosjos. Itinanggi naman ni Jalosjos ang paratang. Sinabi naman ni Prisons Director Ricardo Macala, na hindi si Jalosjos ang bumaril kay De Guzman. Magkasama pa umano sa pagsisimba si Jalosjos at De Guzman.
Naganap na ang pamamaril at siyempre pa ang kasunod nito ay ang pagtuturuan. Bilibid it or nat pero dito lamang makakakita ng bilangguan na kahit na anong bagay ay maaaring maipasok. Kataka-taka kung paano naipasok ang baril na nakasugat kay De Guzman. Mabuti na lamang at hindi siya namatay, kung hindiy mas malaking balita ito at tiyak na pag-uusapan. Bilibid it or nat pero maraming misteryo ang nangyayari sa NBP na dapat ay mahalungkat at malaman. Kontrolado ba ng namumuno sa NBP ang sitwasyon doon at kahit anong bagay ay maaaring mailusot. Kung ang baril na nakasugat sa inmate ay mapatunayang naipuslit doon, darating ang araw na hindi lamang handgun ang maaaring dalhin kundi malalakas na kalibre ng baril.
Kung naipuslit ang baril, tiyak na may kinalaman dito ang mga guwardiya. Imposibleng hindi makita ng guwardiya ang baril. O maaaring nakita pero nagbulag-bulagan sapagkat natakpan ng pera ang kanyang mga mata. Kahit saan, ang pera ang nagiging makapangyarihan at kapag ito ang nakapangyari sa loob ng bilangguan, maraming mangyayaring kasamaan.
Naging kontrobersiya na noon ang NBP sapagkat ang mga "VIP" rito ay maaaring gawin ang kanilang gusto. Ilang taon na ang nakararaan, nagpagawa si Jalosjos ng burger house sa loob at kaya lamang natigil ay nang mabatikos. Maraming "VIPs" na nagmistulang hindi nakakulong sapagkat malaya nilang nagagawa na parang sila ay nasa "laya". Ang nangyayaring "misteryo" sa NBP ay nangangailangan ng imbestigasyon mula sa Department of Justice. Halungkatin ang mga namamaho o nabubulok sa Bilibid.