Bakit sinabi ni US President George Bush at Great Britain Prime Minister Tony Blair na hindi pa raw tapos ang giyera sa Iraq samantalang ang pinag-uusapan na ng dalawa ay kung papaano ang gagawin nilang reconstruction at rehabilitation ng Iraq? Namili na nga sila ng isang retired US general na siyang mamamahala muna ng bagay na ito.
Kahit na may pasubali pang sinasabi sina Bush at Blair na hindi pa tapos ang giyera, naniniwala ako na katulad ng pahayag ng Iraqi Ambassador sa UN na the game is over. Ang pinoproblema lang ni Bush at Blair ay ang maiprisinta nila sa buong mundo ang katawan ni Saddam at ang nagpapatunay na talaga ngang may itinatagong weapons of mass destruction ang Iraq.
Ang nakikita kong pagkakaguluhan mula ngayon ay ang mapasama sa hatian o ang tinatawag na division of the spoils. Pati ang Russia, France at Germany na naging unwilling at tumiwalag na sumama sa coalition forces ay gusto ring pumapel ngayon na makinabang sa pagka-panalo sa Iraq. Aba, eh, baka naman ma-outside the kulambo pa ang Pilipinas dito. Hindi dapat magpabaya si GMA na makakuha ng mga kontrata para sa ating mga OFWs upang mapasama sa reconstruction at pagpapaunlad muli ng Iraq.