Ipagpalagay nang tama ang akusasyon, malalaki rin ang pagkakaiba ng Meralco at Maynilad:
Ang Meralco, na inutusan ng Korte Suprema na i-refund ang P28-bilyong overbillings nung 1994-1998 sa siyam na milyong customer, ay pag-aari rin ng 80 milyong Pilipino. Meron kasing 12% shares ang Land Bank at Development Bank of the Philippines mula sa kaban ng bayan. Bukod dito, pag-aari din ang Meralco ng 23 milyong SSS members at 4.5 milyong GSIS members. Meron kasing 14% shares ang SSS at GSIS mula sa buwanang kontribusyon ng members. Pag-aari din ito ng halos 75,000 maliliit na investors-mga empleyadot entrepreneurs na namili ng stocks ng Meralco para patubuan.
Sa madaling salita, kung pasukahin ang Meralco ng biglaang P28-bilyong refund, babagsak ito. Malulugi ang mamamayan, SSS at GSIS members, at 75,000 investors na karamihany hindi naman nasasakupan ng electricity franchise sa Metro Manila.
Ang Maynilad, na nagsuko ng west zone concession nung Dec. 9, 2002, ay 60% pag-aari ng Lopezes at 40% ng Ondeo Ltd. ng France. Angal nito, nalugi sila dahil sa kapabayaan ng MWSS, kaya dapat isoli ang P19-bilyong puhunan at operating losses. Sagot naman ng MWSS, kasalanan lahat ng Maynilad, kaya 75% lang ng kapital, o P5.7 bilyon, ang isosoli. Pero meron ding P5.5 bilyong overbillings ang Maynilad na dapat i-refund sa pitong milyong customers , kaya kuwenta tabla na.
Ang solusyon sa Maynilad, ibenta na sa International Finance Corp. ng World Bank ang 11% ng Lopezes, tapos ipa-manage ito sa Ondeo na pinaka-matanda at pinaka-malaking private utility sa mundo.