Sa pagbiyahe nina Portia at John sa Hawai noong 1985, nagpakasal sila. Nang bumalik sila sa Pilipinas, hindi sila nagsama. Napagkasunduan nilang unti-unting matanggap ng mga anak ni John ang ikalawang kasal kay Portia.
Taong 1986, umalis patungong Hawai si Portia. Sa Hawaii niya isinilang ang unang anak nila ni John. Bumalik siya sa Pilipinas noong 1988. Nagulat na lamang siya nang awayin siya ni Mila, nagpakilalang legal na asawa ni John. At dahil natuklasang kasal na pala si John bago pa man sa kanya, muli siyang bumalik sa Hawaii. Doon ay ipinanganak niya ang ikalawang anak nila ni John. Bumalik siya sa Pilipinas noong 1990 kasama ang dalawang anak. Kinasuhan siya ni Mila ng disbarment o matanggal sa pag-aabugado sa pagiging imoral nito.
Iginiit ni Portia na legal ang relasyon nila ni John dahil kasal sila sa Hawaii at nang matuklasan niya na may asawa na pala ito, lumayo na siya rito. Tama ba si Portia?
TAMA. Ang relasyon ni Portia kay John ay hindi imoral dahil sa paniniwala niyang balido ang kasal nila. Ang mabilis na paglayo niya kay John nang matuklasan niya ang unang kasal nito kay Mila ay nagpapakita lamang na wala siyang intensiyong lumabag sa mataas na sukatan ng moralidad ng kanyang propesyon. Gayon pa man, para maparusahan ang isang abogado ng disciplinary action, kailangan na ito ay grossly immoral o isang masama o paglinlang na humahantong sa isang krimen o kayay kawalan ng prinsipyo.
Subalit bilang abogada, si Portia ay may malaking responsibilidad sa komunidad. Sa kanyang kaso, hindi siya naging maingat sa tunay na katauhan ni John. At nang malaman niyang may mga anak na ito, hindi niya inalam kung kasal nga ba ito sa ina ng mga bata. Ang hindi nila pagsasama ni John matapos silang magpakasal at magkaanak ay isa ring patunay ng kakulangan niya ng pag-iingat sa personal niyang buhay. Kaya, nararapat siyang mabigyan ng mahigpit na pangaral (Ui vs. Bonifacio ADM, Case No. 3319 June 8, 2000).