Ang nakikita lang natin dito ay CNN, BBC at reports ng ating local networks na pawang mga komentaryo lamang na may mga pira-pirasong film clips at paulit-ulit pang pinalalabas. Ang malimit pa ngang ini-ere ay mga news briefing ng mga matataas na opisyal ng US at UK military forces na malabo pa rin naman ang mga pinagsasabi. May mga pagkakataon pa ngang ang ibinabalita ay tungkol sa pagkamatay ng mga sundalo ng koalisyon at pagkasira ng tangke ng mga ito.
May mga balita naman na galing sa mga opisyal ng Iraq na aktibung-aktibo pa raw si Saddam at ipinapakita pa ang video nito na nagtatalumpati at kasalamuha ng kanyang mga kababayang Iraqi. Sabi naman ng mga Kano ay ka-double raw ng diktador ang ipinapakitang Saddam sa video. Ipinagdidiinan din ng Information Minister ng Iraq na nananaig pa rin sa labanan ang military nila at matibay pa nilang hawak ang Baghdad.
Kapansin-pansin na maingat itong mga Kano na maglahad kung talaga ngang panalo na sila sa labanan. Lumalabas na para bagang pahapyaw lamang at hindi nagyayabang kung magbalita ang mga Kano kahit na nilalampaso nila ang mga Iraqi. May nakita na ba tayo ng malapitang larawan o video na mga napatay na sundalong Iraqi o mga gusaling winasak ng mga Kano at mga kaalyado nito?
Siguro nga ay talagang maingat ang mga Kano na ipakita na kayang-kaya nila ang mga Iraqi. Taking advantge naman ang mga Iraqi sapagkat pagkaminsan ay ipinalalabas nilang kinakawawa sila ng mga Kano. May pagkakataon naman na ang ipinakikita ng mga Iraq ay sila ang nangingibabaw sa digmaan upang marahil ay hindi sila iwanan ng kanilang mga sundalo at mga ka-tropa. Labanan na ito ngayon ng psycho-warfare, ika nga. Di bale, malapit nang lumabas ang katotohanan.