Inamin mismo ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Dir. Gen. Reynaldo Velasco na patuloy ang jueteng dito sa Metro Manila, gayunman ito aniya ay kangaroo-type operations na lamang. Sinabi naman ni Supt. Arnold Aguilar, pinuno ng Special Operations Group na binuo ni Lina para masugpo ang jueteng, may 191 katao na raw ang kanilang naaresto at may P50,000 cash na ang kanilang nakumpiska. Dahil daw sa madalas nilang pagre-raid, sinabi ni Aguilar na ang jueteng draw ay ginagawa na sa bundok o sa matataas na lugar para hindi makita ang mga raiders. Nahihirapan na raw ang mga gambling lords dahil sa ginagawa nilang kampanya laban sa illegal na sugal. May panibago raw banta si Lina sa mga gambling lord, magsasagawa raw ng mga raid at masaktan na ang masasaktan.
Palpak ang kampanya ni Lina! Isang taon ang lumipas subalit walang pagbabago. Lalo pang lumala. Noong nakaraang taon, mismong si Lina pa ang nagsabi na may 44 na gambling operators sa bansa. Matapang pa niyang inihayag na walang sasantuhin at magkakaroon ng pagsalakay. Ang bunga ng pagsalakay: Mga maliliit na kubrador, kabo, mananaya ang kanilang nadakip. Ang malalaking isda ay wala gayong alam na pala ni Lina na may 44 gambling lord sa buong bansa. Maski ang gambling lord sa sarili niyang probinsiya na kinilala ng mga naarestong bet collector na si Nora de Leon ay hindi madakip ni Lina.
Kung talagang desidido si Lina na masugpo ang illegal jueteng sa bansa, sampolan niya ng isang bigtime jueteng lord para maniwala sa kanya ang taumbayan. Subukan niyang magpakulong ng jueteng lord para makita ng taumbayan na laban siya sa sugal. Kung hindi niya magagawa, mapagbibintangan siyang pinunong masalita pero walang gawa. At tuturuan din niya ang taumbayan na "hingin na mismo ang kanyang ulo" para maalis siya sa puwesto.