Akala ng US susuko agad ang Iraqi army tulad nung unang Gulf War ng 1991. Nagwasiwas agad ng panyong puti ang mga tulalat gutom na sundalo ni Saddam Hussein noon. Pero iba na ang mga sundalo niya makalipas ang 12 taon: mas loyal sa kanya, mas masigasig labanan ang sa palagay nilay pangyuyurak ng dayuhan. At hindi na tulalat gutom. Kasi habang may trade embargo ang United Nations sa Iraq matapos ang Desert Storm, nag-smuggle ng langis si Saddam sa Russia; kumomisyon ng bilyon-bilyong dolyar na siya namang ginamit pansuweldo sa army.
Hindi rin naganap ang inaasahan ng US na pagsiklab ng rebelyon sa timog ng mayorya pero mahihirap na Shiite Muslims laban sa konti at mayayamang Sunni Muslims. Sa mga siyudad sa timog na dinaanan ng US invasion force pa naging pinaka-matindi ang resistance.
Hindi rin napatay ng US smart bombs at computer-guided missiles ang pinaka-matataas na lider ng Iraq. Miski 4,000 bomba ang pinaulan sa Baghdad nung unang tatlong araw ng invasion, buhay pa rin sina Saddam, bise presidente, prime minister, deputy prime minister, defense minister at information minister. Panay pa ang press conference.
E papano pa pag sumabak na rin sa bakbakan ang 50,000 subok na loyalistang Republican Guards ni Saddam mga kabayan niya sa Tikrit na handang lumaban sa mga kalye ng Baghdad?
Kapag tumagal ang giyera, tataas ang presyo ng langis hanggang $50-$80 per barrel. Titriple ang presyo ng gasolina. Lalagapak ang ekonomiya ng maraming bansa.
Baka ang magpaikli na lang ng giyera ay ang poot ng mamamayan mismo ng US kay George W. Bush lalo nat napapanood nila sa TV ang mga nakakaawang batang sundalo nila na nabihag ng Iraq. Maaalalang nahinto ang Vietnam War nung 1975 hindi dahil sa daan-daang libong bomba ng US, kundi sa protesta ng mamamayan laban sa giyera.