Matatandaan na si Ngongo ay nakaligtas sa isang ambush try sa Pampanga ilang buwan na ang nakaraan. Pero kahit na kamuntik na siyang magbuwis ng buhay dahil sa ilegal niyang negosyo, hindi ito naging hadlang para lalong mag-expand ang kanyang jueteng operations. Sa kasalukuyan, umaabot na sa P2.6 milyon ang kubransa ni Ngongo sa anim na butas at sa tatlong bola sa Baguio City. He-he-he! Busog ang lahat ng unit ng pulisya pati ang Task Force Jericho ni Interior Secretary Joey Lina sa Cordillera Autonomous Region (CAR) no, mga suki?
Ang ipinagmamalaki pala ni Ngongo ay itong si Arturo Naguit, alias Katoy na isang vice mayor umano ng isang bayan sa Pampanga. Ayon sa mga pulis na nakausap ko, palaging binabanggit nitong si Katoy ang pangalan nina First Gentleman Mike Arroyo at anak na si Vice Governor Mikey Arroyo sa jueteng operations ni Ngongo. Totoo kaya ito? Dapat lang na paimbestigahan ito ni First Gentleman at Mikey para matigil na ang alingasngas na ito, di ba mga suki? At hindi lang daw sa Palasyo malakas si Ngongo dahil meron din siyang mga kakutsaba sa lokal at national CIDG, anila.
Sinabi pa ng mga pulis na si Ngongo raw ay magaling magbigay ng kasiyahan sa mga protectors niya at ilan sa mga ito ay may porsiyento pa sa kanyang laban. Aba magaling nga si Ngongo, di ba mga suki? Everybody happy pala eh kaya sino naman kayang hinayupak ang mangangahas na durugin ang operation niya?
Pero hanggang sa ngayon naman ay tahimik pa si Ngongo kung sino ba talaga ang utak sa ambush try sa buhay niya. Sa pagkaalam ko, nakita niya ang mukha ng gunman at maaring me hinala na siya kung sino nga ang gustong magpapatay sa kanya di ba mga suki? Eh dahil tahimik nga si Ngongo, ibig bang sabihin niyan ay pinapairal niya ang matandang kasabihan na lintek lang ang walang ganti. Aba madugo at mahaba ang labanan na yan pag nagkataon, di ba mga suki? Matira ang matibay dito.
Ang pinalitan pala ni Ngongo sa Baguio City ay si Arman Sanchez na nakabase naman sa Batangas. At ang Batangas nga ang number one sa ngayon sa jueteng operations sa bansa, di ba Senior Supt. Magtibay Sir? Eh kung sa Baguio City umaabot na sa P2.6 million ang kubransa di mas malaki pa ang sa Batangas, di ba mga suki?
Tingnan natin kung ano ang magiging kapalaran ni Ngongo kapag nakarating sa kaalaman ng mag-amang Arroyo na idinadawit ang pangalan nila sa jueteng operations niya. Tiyak may kalalagyan ka Mr. Caluag Sir.