Ayon sa kontrata, bawal magtaas ng singil sa unang limang taon ng 25-year concession. Pero dahil sa Asian financial crisis, pumayag ang MWSS sa anim na increase hanggang 2002. Trumiple ang singil ng MWC sa P6.75; ang Maynilad, P15.46. Hindi pa rin maka-angal ang customers.
Inutos ng MWSS na ibaba ang nonrevenue water-tubig na nawawala sa nakaw at tulo. Inayos agad ng MWC ang pipes at tinugis ang illegal connections. Ang Maynilad, nagpatumpik-tumpik. Imbis na maglagak ng P4 bilyong kapital para palitan ang pipes, nag-hire ng 40 French consultants; P1.5 milyon bawat isa, kaya P60 milyon per month o P720 milyon per year. Hindi rin napabuti ng consultants ang palakad.
Sa Novaliches-Fairview, na katabi lang ng La Mesa dam, mababa ang pressure. Palusot ng Maynilad ay El Niño, pero sa totoo patapos na ang global weather phenomenon nitong Marso. Ang tunay na rason: di-masugpong nakaw at tulo, at bulok ang palakad ng Maynilad. Ehemplo:
Nagreklamo si Marissa ng Fairview na ang tenant sa bahay niya, si John Bernaldo, ay nagkabit ng illegal connection. Nangako ang kalapit na Maynilad office na puputulan daw agad. Lumipas ang isang linggo, wala pa ring aksiyon. Sumugod ang asawa sa head office; saka pa lang pinutol ang illegal connection ng tenant sa bahay ng mag-asawang civic-minded.
Habang nagre-report si Marissa, napag-alaman niyang hindi pala nagbayad ng tubig si Bernaldo mula Marso 2002-Pebrero 2003. Inusisa niya kung bakit hindi pinutulan ng Maynilad si Bernaldo makalipas lang nang dalawang buwan. Sagot ng Maynilad, may kapit daw malamang ito sa loob parang gobyerno. Binayaran na lang ni Marissa ang P9,000 utang ng balasubas na tenant. Pero minultahan pa siya ng P280 dahil sa isang taong unpaid bills ni Bernaldo. May sayad talaga ang Maynilad.