Sa school, tinuturo na ang Pilipino raw ay magalang, mapagbigay, marangal at kung ano-ano pang magagandang-asal. Pero masdan sa kalye: Naroon ang bus at jeepney drivers na walang-pakundangan kung pumara sa gitna para magsakay at magbaba ng pasahero. Magalang ba yon sa ibang motorista? Masdan sa exclusive villages: Naglalakihang mansions at swimming pools, samantalang sa gilid ay barong-barong ng mga di kumakain sa oras.
Mapagbigay ba yon sa nangangailangan? Masdan sa opisinang gobyerno: Nakawan ng oras-trabaho, o papel at lapis, o milyun-milyong piso. Marangal ba yon sa serbisyo publiko?
Tila doble-kara ang kulturang Pilipino. Sinasabing maka-Diyos at mahinhin tayo. Pero ang pinaka-sikat na television shows natin ay yung sa tanghali. Isa sa bawat apat na Pilipino, o 20 milyon sa 80 milyon, ang nanonood araw-araw sa mga dalagitang naka-bikini na pagiling-giling, o kayay sa contestant na hinihiya at pinakakain ng bulate. Tuwang-tuwa ang lahat. Isa sa bawat tatlong manonood, o halos pitong milyon sa 20 milyon, ay mga bata. Pero hindi atubili ang producers sa pagpapalabas ng kalaswaan. Ang mga bata tuloy, kapag tinatanong kung ano ang gustong maging pag laki, hindi na pare, piloto o teacher ang sinasagot. Sex-bomb dancer na ang tugon, sabay kembot-kembot din ang musmos.
Pati mga pahayagan, nakakapagtaka. Sinasabi ng mga editoryal na kailangan daw ng lipunan ng mas maraming scientists, engineers at doctors para umunlad. Sobra na raw ang dami ng lawyers na pumapasok lang sa pulitika o pinagugulo ang korte. Pero tuwing lalabas ang resulta ng bar exams, front page agad. Samantalang ang resulta ng board exams ng engineering, chemistry, biology o medicine, nakabaon sa inside pages.
Sa palagay ko, hindi batid ng Pilipino ang kahulugan ng "practise what you preach." Iba ang inaasal, kabaligtaran ng tinuturo. Ang mga ama, mahigpit sa mga anak na dalaga, pero panay ang pasyal sa nightclub. Ang mga ina, panay ang simba, tapos tuloy sa saklaan o mahjong.