EDITORYAL – Gaano kaigting ang kampanya ng VRB?

NANGHIHINAWA na ba si Video Regulatory Board (VRB) chairman Ramon Revilla Jr. sa kampanya niya laban sa mga pekeng VCD at DVD tapes? Nang mga nakaraang buwan ay panay na panay ang pagsalakay ng grupo ni Revilla sa mga mall at tindahan ng pekeng VCDs. Kinukumpiska ang mga iyon at inaaresto ang mga tindero. Nang salakayin ang isang stall sa Virra Mall ay marami silang nakumpiskang pekeng VCDs. Noong nakaraang buwan, sinalakay nila ang isang lugar sa Quiapo at nakakumpiska ng mga makinarya sa pagpeke ng VCDs at DVDs. Kinailangan pang kasama ni Revilla ang mga miyembro ng PNP Special Action Force para maisagawa ang pagsalakay. Nagmistulang war zone ang Quiapo dahil lumaban ang mga vendor ng pekeng VCDs.

Pero ngayon ay tumamlay ang kampanya ni Revilla. At ang pananamlay niya ang naging dahilan para muling maging aktibo ang pagma-manufacture at pagtitinda ng mga pekeng VCD. Kung magagawi sa Carriedo, Rizal at Recto Avenues si Revilla, makikita niya ang napakaraming VCDs na lantaran na ang pagbebenta. Maski sa Blumentritt ay napakaraming itinitindang peke. Kumbaga sa mikrobyo, binulabog lamang ni Revilla sa pamamagitan ng biglaang buhos ng antibiotic, at dahil doon mas lalo pang tumapang at naging mabagsik.

Balewala ang kampanya kapag nahinto. Isang pagpapakita lamang ng "ningas-kugong" gawain. Kung magsasagawa ng kampanya, hindi ito dapat itinitigil at magpatuloy hanggang sa tuluyang madurog ang ugat. Pawang mga sanga lamang ang "tinaga" ni Revilla pero ang ugat ay naroon pa. Patuloy pa ang pagsibol at hindi na mapigilan.

Maitatanong din na bakit walang mahuling big time na mamemeke si Revilla. Hindi ba’t na ang lider ng sindikato ang kanyang unang hulihin para wala nang kakalat pang mga peke? Malaking sindikato ang pamemeke at kung ito ang mahuhuli ni Revilla, tapos na ang kanyang problema.

Dahil sa ningas-kugong kampanya ni Revilla, nagkalat ang mga malalaswang panoorin sa VCD. Nakadispley sa bangketa ang mga hubad na kober ng VCD at maski bata ay nakikita ito.

Dahil sa pagkalat ng mga malalaswang panoorin, naging laganap ang pangre-rape. Maski ang 12-anyos na bata ay nakukuha nang mang-rape ng kapwa bata matapos makapanood ng malaswa. Nakikita niya kung paano ginawa at iyon ang nagpadilim sa kanyang utak.

Hindi dapat mahinto ang kampanya laban sa mga pekeng VCD. Ituloy hanggang sila ay maubos.

Show comments