"Lumapit kay Jesus ang mga alagad ni Juan at nagtanong, 'Bakit, samantalang kami at ang mga Pariseo ay nag-aayuno, hindi nag-aayuno ang inyong mga alagad?' Tinugon sila ni Jesus: 'Maaari bang magdalamhati ang mga panauhin sa isang kasalan kung kanilang kasama ang lalaking ikinasal? Kapag dumating ang panahon na inalis na sa kanila ang lalaking ikinasal, doon sila mag-aayuno.'"
Ang mga alagad ni Juan at ang mga Pariseo ay may sariling dahilan kung bakit sila nag-aayuno. May sarili ring paliwanag si Jesus. Ang kanyang presensiya sa piling ng mga tao sa panahon ng kanyang pampublikong ministri ay maihahambing sa isang lalaking ikinasal sa panahon ng handaan sa kasalan. Panahon iyon ng pagsasaya. Walang sinumang nag-aayuno sa isang kasalan.
Kapag namatay si Jesus, ang kanyang mga alagad ay may dahilan upang mag-ayuno. Ito ay magiging isang paraan ng pakikibahagi sa paghihirap at kamatayan ni Jesus. Ang pag-aayuno ng mga alagad ay magiging mapanubos. Ang mga alagad, ganoon din ang bawat mananampalataya, kapag sila'y nag-ayuno at nagpakasakit, ay makagagawa ng mga mapanubos na gawain. Sila ang katang mistiko ni Jesus.
Tayo rin ay gumagawa nang mapanubos na mga gawain ni Jesus sa pamamagitan ng ating mga pagpapakasakit, sa pagpapasan ng ating krus. Ipinagpapatuloy natin ang kaligtasang ipinatupad ni Jesus para sa buong mundo.