Isang opisyal ng Central Police District (CPD) na nakapanayam ng BANTAY KAPWA ang nagsabi na marami nga ang naghain ng reklamo pero hindi naman tinutuluyang sampahan ng kaso ang mga nahuling suspek. Katwiran ng maraming biktima na maaabala lang sila at magagastusan pa kaya ang mga kaso ay nauuwi sa wala.
Kamakailan ay sinabon ni President Arroyo ang PNP dahil sa lumalalang krimen sa lansangan. Nairita ang Presidente sapagkat sa kabila ng kanyang suporta sa PNP laganap pa rin ang masasamang loob. Isang taon ang ibinigay na palugit ni Arroyo sa PNP para malutas ang problema sa street crimes. Hindi lamang sa Metro Manila laganap ang krimen kundi sa iba pang lugar. Maging sa Cebu ay nagaganap din ito. Isang Chinese-Filipino lawyer na nagngangalang Edward Uy ang pinaulanan ng bala hanggang sa mapatay ng dalawang nakamotorsiklong mga suspek. Si Atty. Uy ay pinagbabaril habang naglalakad sa Bgy. Kasambagan, Cebu City.