Si Fernandez na miyembro ng PMA Class 70 ay kaklase ni PNP chief Dir. Gen. Hermogenes Ebdane Jr. Bilang DC nga, si Fernandez ang naglalagay ng mga sensitibong puwesto ng PNP at pati na rin sa pagdikta ng promosyon nila. Ang tanong lang, wala na bang may kakayahan na gampanan ang trabaho niya? May punto ang mga junior officers dito, di ba mga suki?
Kung analisahin mo kasing maigi, itong puwesto ni Fernandez ay maari nating sabihin na springboard ng ilang mga opisyal ng pulisya para maging PNP chief nga. Naging DCA muna si Ebdane bago siya nahirang na kanyang puwesto sa ngayon. Pero kapag natuloy ang pagretiro ni Fernandez, tatlong magigiting na opisyal ang nakalinya para pumalit sa kanya. Sila ay sina Dep. Dir. Gens. Edgar Aglipay, Reynaldo Velasco at Virtus Gil, lahat miyembro ng PMA Class 71. He-he-he! Lulutang-lutang sa hangin ang kanilang tsansa habang bitin pa ang extension isyu, di ba mga suki?
Ang tingin naman ng ilang junior officers baka pinalutang lang itong isyu ukol sa extension ni Fernandez para pulsuhan ng taga-Malacañang ang reaction ng PNP ukol dito? Kasi nga ang tunay na isyu dito ay ang pagretiro naman ni Chief Supt. Reynaldo Berroya, nitong darating na Marso 11. Sa tingin ng mga junior officers, kapag hindi pumalag ang PNP sa extension ni Fernandez maaring isubo na rin nila ang apat na taong extension ni Berroya, Ano ba yan? Puwede ba magretiro na kayo mga Sirs para manahimik na itong PNP natin?
Kung sabagay ang iginigiit ni Berroya ay itong batas na nagpalawig naman ng termino ni Col. Victor Corpuz ang hepe ng ISAFP. Si Corpuz ay pumasok sa NPA at bumalik sa military noong panahon ni dating Pres. Aquino. Si Berroya naman ay nakulong sa kidnapping kay Jack Chou at nakabalik sa serbisyo sa panahon naman ni Pres. Ramos. Kung ako ang tatanungin, gusto kong i-extend ni GMA itong sina Fernandez at Berroya. Puwede kasi silang gawing dahilan o whipping boy kapag pumalpak ang PNP natin.