Sampung bala para kay Kintanar

ANG ginawang pagpaslang kay dating Communist Party of the Philippines, New People’s Army (CPP-NPA) Chief Romulo Kintanar ay nagpamalas sa atin kung paano inexecute ang plano sa isang masusing "surveillance" at matiyang pag-aantay. Sa pamumuno ni Kintanar ang CPP-NPA ay lumago at dumami ang miyembro, supporters at mga armadong nakikibaka. Si Kintanar din sa kanyang pagkalas sa samahan ay nabigyan na rin ng ilang ulit na babala. Inanunsyo na noon pa man ng tagapagsalita ng NPA, na si Gregorio "Ka Roger" Rosal kung sinu-sino ang mga nasa hit list ng NPA at kung ano ang mga krimen nito sa bayan. Isa na rito si Kintanar.

Gusto ko ring sabihin na hindi ako sang-ayon na binansagang mga "terrorista" ang New People’s Army dahil iba sila sa mga armadong grupo tulad ng Abu Sayyaf ay merong prinsipyo na ipaglalaban ang grupo. Taon na rin ang kanilang ginagawang pakikibaka. Tinalikuran nila ang lahat ng karangyaan at kaginhawaan ng mamuhay sa lipunan at minabuti nilang mamundok at doon ipaglaban ang kanilang mga adhikain.

Hindi ako pabor sa pagpatay ng mga taong hinahatulan nila, ito marahil ang kakambal ng bigat na kasalanan matapos nilang litisin sa kanilang hukuman. Hindi rin ako pabor sa death sentence na ipinapataw ng ating hukuman sa mga napatunayang nagkasala sa uri ng ating gobyerno.

Si Kintanar ay "dead-on-the-spot" sa loob ng isang Japanese restaurant, sa Quezon Memorial Circle. Sampung bala ang tumama sa kanyang katawan. Dalawa lamang ang gunmen subalit apat silang magkakasama.

Hindi rin ako magugulat kung meron pang ibang mga nasa paligid ng restaurant ng isakatuparan ang pagpatay kay Kintanar. Ang asawa ni Kintanar na si Joy, ang dalawang ulit ng nabiyuda. Ang una niyang asawa ay ang kilalang estudyanteng aktibista na si Edgar Jopson (EDJOP para sa mga nakakikilala sa kanya). Brutal din ang naging katapusan ng kanyang buhay. Larawan na ng katibayan si Mrs.Joy Kintanar at nais din po naming ipaabot ang aming pakikiramay.

Meron akong nakausap ng isang "ace-investigator" mula sa isang premyadong ahensya ng ating mga law enforcers. Agad nitong sinabi, "you can feel the chilling effect of the assassination upon entering the scene of the crime. Hindi rin maalis ang pakiramdam na nasa paligid pa rin ang iba nilang kasamahan na nagmamatyag kung ano ang mga nangyayari."

Ang NPA ay merong kakaibang estilo upang gulatin at gimbalin ang ating mga alagad ng batas at mga taong nakagagawa ng mga "kasalanan" sa bayan.

Kakaiba, epektibo? Sino tayo para humusga. Basta’t wala kang kasalanan, wala kang dapat ipangamba.

Natatawa lamang ako kay film director Willy Milan. Hindi pa nga natutuyo ang dugo ni Kintanar sa loob ng Japanese restaurant, heto na siya at dakdak nang dakdak. Willing daw siyang isapeliku ang buhay ni Kintanar at dahil na rin nasa loob siya ng Japanese restaurant, payag din daw siyang gumanap bilang sarili niya, kapag isasapelikula ang buhay ni Mr. Romulo Kintanar. Putris naman, may producer ka na ba, Director Milan at panay ang putak mo? Binigyan ka na ba ng film rights na isapelikula ang buhay ni Kintanar ng pamilya nito? Oo, sumasang-ayon ako na maganda at makulay ang naging buhay ni Kintanar, subalit ngayon ba ang tamang panahon para pag-usapan ’yan. Pakisagot nga Director Milan at yung mga nagsusulat tungkol dito. Manahimik ka na muna! Hindi pa nga humuhupa ang "shock" mo ng masaksihan ang pagkapatay kay Kintanar. Aba sa ginagawa mong yan, eyewitness ka pala! Tetestigo ka ba at ilalarawan mo ang mga nakita mong gunmen ni Kintanar? Sige, pirmahan mo ang iyong sinumpaang salaysay at makipag-ugnayan ka sa isang carthographer para mai-sketch ang mga mukha ng nakita mong gunmen. Pakibigay mo na rin ang address mo.

Sa ganang akin mga kaibigan, ang dapat ay sama-sama tayong magdasal at umasa ng KAPAYAPAAN para sa ating bayan. Kapayapaan para sa mga makaibang paniniwala at paninindigan. Nawa’y ang pagpatay kay Kintanar ay maging huling "act of aggression" at hindi ang pagtatag ng daang-daang libong mga armadong volunteers para tugisin ang mga kapatid din nating Pilipino. Sa hirap ng buhay ngayon, ang pagbubuklud-buklod ng lahat ng mamamayan ng ating bayan ang solusyon sa ating mga suliranin. Poverty is the enemy that we should address. Ang sagot dito ay nasa ating sariling pagsisikap. Kapag hindi natin ginawa ito, tayo rin ang talo!

Para sa anumang reaksyon, comments o suggestions, maari n’yo akong i-text sa 09179904918. Maaari rin kayong tumawag sa 7788442. Maari din kayong mag-email sa local13@yahoo.com
* * *
Nais ko pong pasalamatan ang ilang tao na nakatulong sa inyong lingkod. Si Ricky Villanueva at Louie Martinez, Jean Monotillas at si Mhike Baez ng Computer Authority. Sina Alfredo Tan at Boyet ng StarApple at higit sa lahat sina Mr. Weng Alfaro at Rodel Leoncio ng San Pedro PLDT Exchange. Mabuhay kayong lahat.

Show comments