"Gabi-gabi na lamang ay nagsusulat ka, baka lumabo ang mga mata mo."
"Gusto ko kasing patunayan sa mayabang kong kaibigan na si Miguel na mahusay din akong manunulat. Hindi lamang siya ang pararangalan."
"Anak masama yan. Dapat ay hindi ka nagtatanim ng galit sa iyong kaibigan."
"Mayabang kasi siya."
"Siyanga pala nabasa mo ba sa diyaryo ang pagpaparangal sa kanya kahapon?"
"Wala akong interes."
Magkababata sila ni Miguel. Sa isang lugar sila lumaki. Ang pagkakaiba lamang ay mas mayaman sila kaysa kay Miguel. Nag-aral siya sa isang sikat na school samantalang si Miguel ay sa isang pampublikong school lamang. Pareho sila ng pangarap sa buhay ang maging sikat na manunulat.
Subalit ang kanilang pagkakaibigan ay nasira dahil lamang sa inggit. Nagkaroon siya nang hindi maipaliwanag na inggit mula nang sunud-sunod na manalo sa patimpalak si Miguel. At ang pagkainggit ay lantaran na niyang ipinakikita kay Miguel hanggang sa maghiwalay sila ng landas.
"Tatalunin din kita, Miguel. Balang araw mababasa mo rin ang pangalan ko sa diyaryo. Isinusumpa ko tatalunin kita!"
Mula noon ay ibinuhos niya ng pagsusulat. Nagkukulong siya sa kuwarto. Pangarap niyang makilala at mabigyang- parangal sa kanyang mga isinusulat. Lalampasan niya ang kasikatan ni Miguel.
Subalit sa kabila ng pagsisikap ay walang makagusto sa kanyang isinusulat samantalang si Miguel ay parating nananalo sa mga sinasalihang patimpalak. Marami nang sinulat na libro at marami ang pumuri dahil sa napaka-gandang akda.
Isang paraan ang naisip niya. Pinagapang niya ang pera para hindi manalo si Miguel sa mga patimpalak. Sinuhulan niya ang mga hurado. At lumakas ang kanyang halakhak nang hindi na manalo si Miguel sa contest na sinasalihan.
Nagpatuloy siya sa pagsusulat. Laging nakakulong sa kuwarto at maski ang kanyang mommy ay hindi na kinakausap.
Isang umaga ay lumabas siya sa kuwarto at humalakhak na sinabi, "Natapos ko na rin sa wakas! Ha-ha-ha! Ipalilimbag ko na ito at tiyak na magugustuhan ng mga tao."
Subalit ilang araw na ang lumipas ay walang magandang feedback sa kanyang akda. Wala ni isa mang makakilala.
Buong araw siyang nagkulong sa kanyang silid. Binalot niya ng katahimikan at kalungkutan ang buo niyang pagkatao. Unti-unti siyang pinahina ng kabiguan. "Ayoko na, pagod na ako..." Ang mga katagang iyon ang tumapos sa pag-inog ng kanyang mundo. Ilang buwan pa at nagpasya na kanyang mommy na dalhin siya sa pagamutan pagamutan ng mga sira ang isip.
"Hindi ako baliw. Alam ninyo, magaling ako. Talaga! Kilalang-kilala ako, ang dami kong tropeo at medalya sa bahay. Palagi akong may karangalan sa paaralan. Ipagtanong ninyo ako sa kahit kanino, kilala nila ako."
Nabalitaan ni Miguel ang sinapit ni Eric at binisita niya ito. Dala niya ang isang diyaryo patungo sa mental subalit hindi na niya iyon ipakikita kay Eric. Nasa diyaryo kasi ang balita tungkol sa isang mayamang writer na nabaliw! Si Eric ang tinutukoy sa diyaryo. Natupad din ang pangarap nitong sumikat sa diyaryo.
Awang-awa si Miguel sa kaibigan.