Sinasabing malaki ang naging kontribusyon at papel ni Kintanar sa paglaki at paglakas ng NPA noong mga 1980s, na kung saan ay umabot sa mahigit 25,000 ang mga kasapi nito. Ngayon, tinatayang 12,000 katao na lamang ang miyembro ng NPA.
May mga nagsasabi na ang pagpatay kay Kintanar ay may kaugnayan sa pagtiwalag nito sa samahanng komunista. Itinuring daw si Kintanar na isang traydor sa kilusan. Nakalulungkot ding malaman na tatlong oras bago patayin si Kintanar, nagpahayag siyang makikipagtulungan sa pamahalaan upang manumbalik ang ganap na kapayapaan at katahimikan sa bansa.
Ang sinapit ni Kintanar ay walang ipinagkaiba sa mga sinapit din ng mga dating kasamahan niyang sina Popoy Lagman, Hector Mabilangan, Conrado Balweg, at iba pa. Ang dahilan ng pagpatay sa kanila ay hindi pa alam at marahil ay mananatiling misteryo na lamang na hindi makukuha ng hustisya.
Ang tanging dapat gawin ng mga kinauukulan ay pabilisin ang pag-iimbestiga upang malaman ang katotohanan at makamit naman ang katarungan para kay Romulo Kintanar.