Magastos na kapabayaan

NOONG Hunyo 4, 1991, isang Fuso Road Tractor ang binili ni Edward Lao mula sa Equitable Leasing sa pamamagitan ng isang Finance Lease Agreement. Ayon sa kasunduan, ang sasakyan ay mananatiling nakarehistro sa pangalan ng Equitable hanggang ang buong halaga nito ay nabayaran na ni Edward sa buwanang pagbabayad nito hanggang Disyembre 4, 1992. Nang mabayaran na ni Edward ang buong halaga ng traktora, nagkaroon ng Kasulatan ng Bilihan sa pagitan nila ng Equitable noong Disyembre 9, 1992. Subalit ang Kasulatan ay hindi nairehistro sa LTO.

Samantala, ginamit na ito sa operasyon ni Edward at ito ay minaneho ng kanyang drayber na si Romy. Noong Hulyo 17, 1994, ang traktora ay bumangga sa tindahan na nasa bahay ni Matilde. Nawasak ang tindahan. Namatay ang anak ni Matilde na si Randy at ganoon din si Maria, anak ng kanilang kapitbahay na si Felipe. Nasaktan naman sina Felipe at Minda at ang dalawang anak na lalaki ni Laura.

Si Romy ay nahatulan ng Metropolitan Trial Court (MTC) ng reckless imprudence resulting in multiple homicide and multiple physical injuries. Sina Matilde, Felipe, Minda at Laura, ang mga naagrabyado sa reckless imprudence ay walang nakuha sa kasong kriminal laban kay Romy. Kaya, nagsampa sila ng aksyong sibil para sa pinsalang natamo. Inalam nila sa LTO ang pag-aari sa traktora, at natuklasan nilang ito ay hindi nakapangalan sa amo ni Romy na si Edward kundi sa Equitable Leasing.

Kaya, noong Abril 15, 1995, inihabla nina Matilde, Felipe, Minda at Laura sina Edward, Romy at ang Equitable Leasing para sa bayad-pinsala. At dahil hindi malaman ang kinaroroonan nina Edward at Romy para sa summons, tinanggal ng Korte ang kanilang partisipasyon sa kaso. Sa answer with counterclaim ng Equitable, iginiit nitong naipagbili na ang traktora kay Edward at wala na sa Equitable ang kontrol at pamumusisyon dito, dalawang taon na bago pa man nangyari ang insidente.

Matapos ang pagdinig sa kaso, nagdesisyon ang Korte na bayaran ng Equitable sina : Matilde P50,000.00 para sa kamatayan ng anak niyang si Randy, P50,000.00 moral damages at P56,000.00 actual damages para sa nawasak na tindahan at ang halaga ng mga paninda pati na ang gastos sa pagpapalibing; kay Felipe ay P50,000.00 para sa namatay na anak, P50,000.00 moral damages at P30,000.00 para sa medical at funeral expenses; kay Minda ay P7,000.00 bilang actual damages; at kay Laura ay P5,000.00 para sa medical expenses ng dalawa nitong anak.

Inutusan din ang Equitable na magbayad ng P120,000.00 para sa attorney’s fees.

Kinuwestiyon ng Equitable ang desisyon. Ayon dito, hindi raw dapat itong magbayad sa mga pinsalang natamo ni Matilde at ng mga kasamahan resultang kapabayaan ng drayber ng traktora, na naipagbili na nito kay Edward nang mangyari ang insidente. At dahil hindi naman nito empleyado si Romy bilang drayber, walang kontrol at superbisyon ito dito. Tama ba ang Equitable?

Mali.
Ang Equitable ay may pananagutan sa kamatayan at pinsalang inirereklamo rito, bilang nakarehistrong may-ari ng traktor nang mangyari ang insidente noong Hulyo 17, 1994. Kahit na naipagbili ito sa iba, ang nakarehistrong may-ari ng traktora ang kinikilala ng batas bilang operaytor na may pananagutan sa publiko; kaya ito ang direkta at pangunahing responsable sa mga kahihitnatnan ng operasyon nito. Batay din sa batas, ang nakarekord na may-ari/operator ang siyang masasabing employer ng drayber, at ang aktwal na operator at employer ay isa lamang ahente. Ang prinsipyong ito ay sinusunod din kahit na ang sasakyan ay hindi pampubliko. At dahil ang Equitable ang nakarehistrong may-ari ng traktora, may pananagutan ito sa pagkamatay at pinsalang natamo na resulta ng kapabayaan ng drayber.

Ang hindi pagrehistro ng Equitable at/o ni Edward sa LTO ay hindi maaaring dahilan para hindi mapanagutan sina Matilde at ang mga kasamahan nito. Kailangang harapin ng Equitable ang pananagutan dahil nagkulang ito sa aksyong ilipat sa pangalan ni Edward ang pag-aari sa traktora. ( Equitable Leasing Corporation vs. Suyom et.al. G.R. 143360 September 5, 2002)

Show comments