Nagbalik na sa kanilang mga upuan ang mga senador noong Lunes subalit kakaiba na naman ang naging takbo. Nagkaroon ng pakiramdaman kung magkakaroon ng pag-aagawan sa pagka-presidente ng Senado. Ikukudeta. Kumalat ang alimuom na ikukudeta si Senate President Franklin Drilon at si opposition Senator Edgardo Angara ang ipapalit. Dahil sa pakiramdaman sa pag-aagawan sa panguluhan wala pa ring napakialamang mga batas at patuloy na naka-stranded. Ang muling natalo ay ang taumbayang umaasa na magkakaroon ng pagbabago ngayong 2003 ang kanilang buhay.
Hindi na bago ang ganitong kalakaran sa Senado. Masyado nang nahati at nagkanya-kanya. Ang mga sarili na lamang ang iniintindi at hindi ang kapakanan ng taumbayang nagluklok. Noong nakaraang taon, naging matindi ang "saksakan sa likod" ng mga senador. Namayani ang grandstanding. Ginamit ang chamber para sa kanilang interes. Ang iba naman ay "nagpapogi" at madalas ang paglabas sa mga programa sa telebisyon. Mayroong lumalabas sa mga commercial.
Ang taumbayan ay nangangarap ng maginhawang buhay. Nais nilang mabunutan ng tinik, mahango sa kumunoy ng kahirapan, makatakas sa kadahupan, subalit paano mangyayari kung ang mga senador na nagpapasa ng batas ay inuuna ang sarili at abala sa pagsangga sa ibinabatong putik ng kalaban. Nangako na si President Gloria Macapagal-Arroyo na kalilimutan ang pulitika at nakatingin ang mga mata sa kaunlaran ng bansa pero bat ang mga senador ay nananatiling walang nakikita.
Nais ng taumbayan na makitang nagtatrabaho ang mga senador para sa ikauunlad ng bansang ito. Tapusin ang mga batas na nakatambak. Paglingkuran ang taumbayan.