Kinasuhan si Mr. Bee at pagkatapos ay nag-isyu ang BID ng isang Summary Deportation order noong Nobyembre 15, 1998, sa salang paggamit ng pekeng passport na nakansela na ng mga awtoridad ng Taiwan noong 1995.
Bago pa man maitapon si Mr. Bee, nagsampa siya ng isang petisyong Habeas Corpus sa Regional Trial Court dahil ang kanyang detensyon ay ilegal. Ayon pa sa kanya, wala raw ipinakitang ebidensya na siya ay isang dayuhan na walang dokumento, na peke at nakansela na ang kanyang hawak na passport. May 17 beses pa nga siyang pinayagang pumunta sa Pilipinas noong 1995-1999 gamit ang passport na sinabing kanselado. Sa Return of the Writ ng Immigration at ng Board, itinanggi nila ang mga depensa ni Mr. Bee batay sa mga sulat na mula sa TECO. Gayon pa man, inaprubahan ng Korte ang kanyang petisyon at iniutos ang kanyang kalayaan. Tama ba ang korte?
Mali. Ang Return of the Writ na isinumite ng Immigration Commissioner at ng Board sa Korte, ay malinaw na nagsasaad na si Mr. Bee ay kinasuhan ng batas at iniutos na ipatapon sa dahilang isa siyang dayuhan na walang dokumento. Ang return ay kinikilalang pangunahing ebidensya ng sanhi ng pagbabawal.
Bukod dito, nakalakip din sa writ ang mga sulat mula sa TECO. Ito ay mga dokumento na nagsasaad na si Mr. Bee ay gumagamit ng isang passport na kinansela na ng gobyerno ng Taiwan noong 1995 at inisyu kay Mr. Wee. Nakasaad din sa mga sulat na ipinagbigay-alam sa gobyerno ng Pilipinas ang pagkansela sa passport noong 1998 lamang. Ang mga sulat mula sa TECO ay sapat na ebidensya na magbibigay-katwiran sa kanyang pagkapatapon.
Ang writ of habeas corpus ay hindi maaaring iisyu sa mga kasong kung saan nagbigay na ng kautusan ang Bureau of Immigration ng isang pagtatapon sa dayuhang walang dokumento, lalo na kung may sala sa paggamit ng peke at nakanselang passport (Tung Chin Hui vs. Rodriguez et. al. G. R. # 141938 April 2, 2001).