"Devotion para sa akin ang ano mang ipagawa ng Pangulo," aniya. Kapag may debosyon, tapos na ang kalahati ng trabaho.
Mahirap ang trabahong Press Secretary at Spokesman. Tuwing may birada laban sa amo mo, ikaw ang didepensa. Kapag medyo dispalinghado ang sagot mo sa isyu, ang amo mo ang magkaka-blackeye.
Kaya marami ang nagtataka, lalo na sa mga kabaro nating diyarista. Bakit si Braganza. Wala namang karanasan sa pamamahayag. Magpapatupad daw si Braganza ng isang institutionalized integrated communications plan na magsisilbing giya sa kanyang panunungkulan sa OPS. Ito aniya ay sa pamamagitan ng magandang teamwork kasama si Toting Bunye (ngayoy Presidential Spokesman) at Bobby Tiglao (na ginawang Chief of Staff ng Pangulo).
Natamo ni Braganza ang kompiyansa ng Pangulo nang umakto siyang "chief security" ng mga pangunahing testigo sa Erap impeachment trial at bilang commander ng unofficial presidential security group na nangalaga sa Pangulo sa EDSA Dos. Pero paano kaya kung makaranas ma-kuryente si Braganza? Alergic pa naman ang Pangulo sa "kuryente" o maling balita. Sabi ni Braganza, kapag naranasan niya itoy kusa siyang lalapit sa Pangulo at sasabihin "mam suko na ko. Hindi ko kaya."
Inaamin naman niyang wala siyang alam sa ngayon at handa siyang matuto. At dahil diyan, marahil ay magiging mas maingat siya kaysa mga dalubhasang media men na kanyang pinalitan. Mas makaiiwas siya sa kuryente dahil bago siya magpakawala ng ano mang impormasyon, itoy kanya munang pakakasuriin. Kung minsan nga naman, dahil sa sobra nating kompiyansa sa sariliy nasasalubsob tayo. Good luck Nani B.