Sa dalawang pahinang kautusan na ipinalabas ni Director Jose de Jesus ng Ombudsman, inatasan nito sina Tinga, Dr. Jose Eustaquiao, co-chairman ng Taguig Legal School Board at Lydia Padlan, kontraktor at may-ari ng Ingrid Salas Enterprises na sagutin ang alegasyon ng mga konsehal ng munisipyo at mga barangay officials ukol sa nasabing notebook scam.
Sa sinumpaang salaysay ng mga complainant, tinukoy nila ang lantarang paglabag ni Tinga sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act 3019. Ang lumagda sa reklamo ay sina Konsehal Carlos Catacio at Noel Dizon at mga barangay officials na sina Ryanne Gutierrez, Vicente Managay, Wilfredo Dubria at Noli Maceda. Sinabi nila sa kanilang reklamo na overpriced ng P10 million ang mga notebooks na ipinamudmod ni Tinga sa mga elementary at high school students ng Taguig sa administrasyon niya.
Nakasaad sa reklamong isinampa sa Ombudsman na rekorner ng Ingrid Salas Enterprises ang kontrata para sa 40,000 notebooks na para sa mga high school students na nagkakahalaga ng P49.95 ang bawat piraso samantalang 327,478 piraso naman ang para sa elementary students na ang presyo bawat isa ay P46.00. Subalit nakasaad naman sa mga quotation ng mga nagreklamo na ang dapat na presyo lamang ng mga nabiling notebook ay P12.50 bawat isa o overpriced ng P37.45. Lumitaw din sa pag-aaral ng mga accountant ng complainant na aabot lamang ng P6 million ang halaga ng naimprentang notebooks kung kaya nagkaroon ng P10 milyon na anomalya.
Ayon sa nilagdaang kautusan ni De Jesus, may basehan, kumpleto ang ebidensiya at iba pang dokumento na iniharap ng mga complainant kung kaya kailangang sagutin ni Tinga, kasama pa ng ibang respondents ang naturang isyu. Sinabi pa ng Ombudsman na ipaliwanag ni Tinga kung saan napunta ang sobrang pera at patunayan niyang hindi niya kinulimbat ang kaban ng bayan ng Taguig.
Mukhang nawala sa wisyo si Mayor Tinga, di ba mga suki? Abot langit kasi ang pagsisigaw niya sa itaas ng entablado noong nakaraang eleksiyon na gigiyahan niyang makaahon sa kahirapan ang bayan ng Taguig. Subalit kung ang sunud-sunod na kaso laban sa kanya ang gagawing basehan mukhang sarili lang niya ang inaayos niya. Ano ba yan? Walang katapusang gulo diyan sa Taguig no mga suki? Sinusundan ata ni Mayor Tinga itong administrasyon ni President Arroyo na kaliwat kanan din ang tinatanggap na batikos. He-he-he! Kahit pulitika sa bansa natin ay wala ring pagbabago. Hihintayin natin ang paliwanag ni Mayor Tinga sa isyung ito.