Marami ang nagpahayag ng pagtutol sa panukala ng mga mambabatas na pinamumunuan ni Speaker Jose de Venecia na pagpapalit sa presidential form of government.
Ayon kay Sen. Manuel Villar, ang anumang pagbabago sa Saligang Batas ay nakasalalay sa kamay ng mga mamamayan. Idinugtong ng senador na ang kapangyarihan ng taumbayan ay napatunayan na sa maraming pagkakataon kabilang na ang Edsa 1 at 2. Binigyan diin ni Villar na tanging ang sambayanan lamang ang makapagpapasya tungkol sa Cha-cha.
Sinabi pa ni Villar na ang pamahalaan ay dapat magsasagawa ng referendum sa Cha-cha at itoy itaon sa 2004 presidential polls upang maiwasan ang karagdagang gastos sa pagsasagawa ng referendum.
Idinagdag pa ng senador na bukod na makatitipid ang gobyerno tiyak din na marami ang magpa-participate sa referendum dahil sabay na ito sa pagboto nila. Matagal nang pinagtatalunan ang Cha-cha. Panahon pa ng Ramos administration ay nagdedebate na sa Cha-cha. Sumasang-ayon ang nakararami sa suhestiyon ni Sen. Villar na ang Cha-cha ay idaan sa referendum at isabay ito sa 2004 elections.