Trabaho namin ang mag-imbestiga upang alamin ang KATOTOHANAN sa bawat reklamong nilalapit sa amin.
Paminsan-minsan nakakaengkwentro kami ng mga arogante at mayayabang na mga inirereklamo. Ito yung mga hindi pa nakakahanap ng kanilang katapat.
Hindi namin sinasabi na kami ang kanilang katapat. Gusto namin linawin singlinaw ng sikat ng araw, kami ang taga-tuldok ng kanilang di kanais-nais na gawain.
Wala kaming pinipili. Wala kaming inaatrasan kung sino ang aming makakaharap. Gustung-gusto naming makatapat yung mga nagmamalaki na may mga padrino sa itaas at may sinasandalang pader.
Kabisado namin ang uri ng kanilang lengguwahe. Dahil kaya namin salitain ang kanilang wika. Sa ganitong paraan lamang kami magkakaintindihan. Ang pagkakaiba nga lang kami ang taga-tabla ng laban.
Sila yung abusado at mapang-lamang. Kami ang tumatayong tagapagtanggol sa mga taong kanilang inaapak-apakan.
Kung nakaugalian mong duruhin yung mga nasa ibaba mo, subukan mo ang imbestigasyon ng Bahala Si Tulfo!
Wala akong pakialam kung sino ang pinagmamalaki mong pader at kung sino mang yang Hestas Hudas at Barabas na iyong sinasandalan.
Kung nagbabanta kang magsasampa ng kasong libel at malicious intent sa diyaryo na aking sinusulatan Pilipino Star NGAYON dahil nailathala sa Dear Editor section ng aming pahayagan ang reklamo laban sa iyong subdivision, gawin mo na lang.
Huwag na huwag mong babantaan ang pobreng miyembro ninyo na nagrereklamo. Inamin mo ito sa harapan ng aming video camera sa loob pa mismo ng pamamahay ng nagrereklamo nitong Sabado.
Hawak namin ang video footage ng iyong kayabangan at makikita mo ang kapangitan ng iyong pag-aasta sa aming investigative TV program sa BITAG sa ABC-5, 5:00-5:30 ng hapon. Humanda ka!
Ngayon isama mo na rin ako sa iyong demandang libel laban sa pahayagang ito. Humingi ka ng payo sa iyong asawa na iyong ipinagmamalaking judge sa inyong lugar. Tsk tsk tsk