Ngayong araw na ito ay nakatakdang makipag-meeting si Mrs. Arroyo sa kanyang Gabinete at ihahayag din niya ang mga makabuluhang bagay na may kaugnayan sa kanyang ipinahayag noong December 30, 2002. Nang araw ding iyon niya inihayag na hindi na siya tatakbo bilang Presidente sa 2004 election. Kailangan daw niyang magsakripisyo sapagkat nasisira ang bansa dahil sa lumalalang pulitika. Naiiwan umano ang bansa sapagkat sa pulitika na lamang nakatutok ang atensiyon ng lahat.
Sa darating na Miyerkules ay magkakaroon naman ng party caucus ang Lakas-NUCD upang pag-aralan ang mga proposal na pag-imbita ni Mrs. Arroyo sa mga kalaban niya sa pulitika. Naging bukas ang kanyang isipan sa pagkakaroon ng pambansang pagkakaisa. Iwaksi ang pulitika para matamo ang kaunlaran ng bansang ito na nakasadlak sa hirap at dusa.
Ang masa ang labis na apektado sa lumalalang krisis sa pulitika. Ang pagkakampu-kampo ang dahilan kung bakit wala nang magawa ang mga mambabatas na iniluklok sa puwesto. Ang pinagkakaabalahan nila ay ang pag-atake sa kanilang kalaban sa pulitika. Ang masaklap, ginagamit pa ng mga magkakalabang mambabatas ang chamber para siraan o wasakin ang kanyang kalaban. Maski sa kanilang privileged speech ay ang walang katapusang pag-atake at pagbatikos sa kalaban ang namamayani. At nakanganga naman sa pakikinig ang taumbayang namumutla sa gutom. Marami ang natutuliro sa paghanap ng ikabubuhay, marami ang walang tirahan, marami ang sumusuko na sa hirap ng buhay, marami ang natatakot sa lumalalang kriminalidad, marami ang pinagkakaitan ng katarungan at marami pang iba.
Ang pagtakas ni Mrs. Arroyo sa nakalalasong pulitika ay magandang simula sa pagkakaroon ng mabungang bukas ng mga Pinoy na naghahangad umunlad sa hinaharap. Simulan na ang pagpanday sa magagandang balak.