Maraming pribadong sasakyan ang bumabagsak ngayon sa emission test, pero patuloy naman sa harurot sa mga lansangan ang mga public vehicles na bumubuga ng maitim at nakalalasong usok porke exempted pa sila sa emission test.
Sa lubusang implementasyon nito, malilinis ang lansangan sa mga sasakyang palyado ang makina at nagbubuga ng lason sa hangin. Mapipilitan ang mga may-ari ng sasakyan na ipaayos ang kanilang mga sasakyan. Otherwise, tiyak hindi sila makapagpaparehistro.
Sa dami ng mga pribadong sasakyang bumabagsak sa emission test, pati na ang mga public utility vehicles na ang karamihan ay air polluters, kailangan ang maraming emission repair shops.
Ayon sa ilang operators ng emission test centers, 10 hanggang 15 porsyento ng mga sasakyang pribado ang bumabagsak. Kaya mangangailangan ng maraming repair shops na accredited ng pamahalaan para makumpuni ang mga sasakyan bago mairehistro.
Ayon kay Jojo Buerano, isang private emission test center owner, ang bilang ng mga sasakyang babagsak sa eksaminasyon ay inaasahang tataas pa nang hanggang 30 porsyento sa papasok na taon dahil kasali na ang mga pampublikong sasakyan.
Makabubuti sa ekonomiya ito. Kasi, sa pagiging full blast ng emission test ay magkakaroon ng oportunidad upang magbukas ng negosyo sa emission repair shops.
Madidisiplina ang mga vehicle owners na hanggang umaandar ang sasakyan, kahit pa may diprensya ay tamad magpaayos ng kanilang behikulo. In a way, makabubuti rin ito sa daloy ng trapiko dahil mababawasan ang mga sasakyang tumitirik sa gitna ng daan na isa sa mga dahilan kung bakit nagsisikip ang daloy ng trapiko.