Ang tulay sa baryo

ANG Baryo Maligaya ay pinalilibutan ng isang malaking ilog. Kapag bumabaha ay walang daanan ang mga tao sapagkat walang tulay. Kaya kung tatanungin ang mga tao sa Baryo Maligaya kung ano ang pinakagusto nilang ibigay ng gobyerno, ang sagot ay iisa: Isang tulay na magdadala ng mga pagbabago at kaunlaran sa natutulog nilang baryo.

Ilang ulit na silang naghain ng petisyon sa kanilang mga mambabatas subalit wala pa ring nangyayari. Ang pangako ay napako.

Nang malapit na ang eleksiyon, isang kandidato sa pagka-gobernador ang nangako na magtatayo ng tulay sa Baryo Maligaya.

Subalit may mahigpit na kondisyong ibinigay ang kandidato sa mga taga-baryo.

‘‘Kailangan ay walang matatanggap ni isa mang boto ang aking kalaban dito sa inyong baryo. Kailangang ako ang manalo at titiyakin kong maitatayo ang tulay dito sa loob ng tatlong buwan.’’

Palakpakan ang mga tao. Iyon na ang kanilang pagkakataon. Nagkaisa sila para makamit ang kanilang pangarap na tulay. Nagpulong ang mga lider at bumuo ng mga plano. Pinag-aralan ang lahat. Ang naging isyu ay ang pagtiyak na walang makukuhang boto ang kalaban ng kandidato na nangako ng tulay. Kailangang maging zero ang kalaban para magkaroon ng tulay.

Ang huling problema ay ang inspektor sa voting precinct at bantay ng kalabang partido at kandidato. Tiyak na mula sa dalawang ito ay hindi nila maaabot ang target na gawing zero ang kalabang kandidato.

Pinakiusapan nila ang dalawa na bumaligtad para magkaroon sila ng tulay. Hindi umimik ang dalawang lalaki. Hindi nila alam kung payag o hindi sa kanila.

Subalit nagulat ang mga taga-baryo ng lumabas ang resulta ng election. Zero ang kalaban at panalo ang nangako ng tulay.

Ilang buwan ang nakaraan ay sinimulan na ang paggawa ng tulay.

Show comments