Mabuti na lamang at mababaw ang kaligayahan ng mga Pilipino. Sa gitna ng kahirapan at kakulangan sa pamumuhay, naidaraos pa rin nila ang kapaskuhan. Titingin-tingin at tatakam-takam na lamang sa mga nakikita nilang mga naggagandahang naka-display sa eskaparate, mga laruan para sa mga bata at mga masasarap na prutas at kakanin sa sidewalk.
Tuwing sumasapit ang Pasko, nakikita natin tuloy ang pagkakaiba ng pamumuhay dito sa ating bansa sa pagitan ng mga mahihirap at mayayaman. Maraming dekada na ang lumipas at milyun-milyon ang mga pangako ng naluklok sa pamahalaan datapwat ang kanilang mga pangako ay napako na lamang.
Di bale, ilang oras na lang at lilipas na muli ang bigayan ng pera at mga regalo, kainan, inuman at iba pang mga makamundong selebrasyon, malalaman na rin ng ating Panginoong Jesus kung mga sino talaga ang nagsasaya at nagbibigay ng pag-ibig at pagmamahal ayon sa tunay na kahulugan ng Kanyang kapanganakan at hindi batay sa mga materyal na bagay.
Dapat nating maalala na si Jesus ay ipinanganak upang maghasik ng pag-ibig sa lahat at ganito rin ang Kanyang inaasahan sa bawat isa. May panahon pa upang sumailalim tayo sa pag-ibig ng ating tunay na tagapagligtas. Happy Birthday, Jesus!