Jueteng lords sa Cavite malakas sa PNP

IPINAGMAMALAKI nina Ebeng Kamote at Teddy Kabayo na hindi sila kayang salingin ng mga tauhan ng PNP, CIDG at Task Force Jericho ng DILG. May inihahatag na grasya raw sila sa mga nabanggit na unit ng PNP.

Nagparating ng pasabi sina Ebeng Kamote at Teddy Kabayo sa mga kuwago ng ORA MISMO na hindi sila matitibag sa kanilang illegal operation sa buong Tekabits kasi nga natatapalan nila ng pitsa sa mukha ang ilang kurap ng kapulisan.

Ginagamit pa ng dalawang hunghang ang pangalan ni Mayor Barzaga sa operasyon ng mga gagong ito sa dayaan-bolahan sa teritoryo ng una porke alam daw nito na may pasugal sila. Anong say mo Mayor? Just asking.

Pati ang pangalan ni Cavite Governor Ayong Maliksi ay kinakaladkad din ng mga ito. May basbas daw ni Gov?

Sa puntong ito, para gamitin nila ang pangalan ni Gov. at ni Mayor ay lalong naniniwala ang mga kuwago ng ORA MISMO na gimik lang nina Ebeng Kamote at Teddy Kabayo ang kanilang patutsada porke alam ko ang kalibre ng dalawang opisyal na imposibleng payagan ang illegal na gawain lalo’t malapit na ang 2004 election. Tama ba, Gov. Maliksi at Mayor Barzaga, Your Honors.

Alam n’yo bang P1.5 million kada araw ang perang pumapasok sa bulsa ng dalawang hunghang porke ito ang kubransa na nakukuha nila sa mga dupang na adik este mali sugarol pala diyan sa Tekabits.

Malaki ang ganansiya ng mga lagapot na kapulisan dito porke maganda ang kanilang ‘‘yes take policy’’ galing sa dalawang hunghang. Korek ba PNP bossing Jun Ebdane, Sir?

Itanong natin sa kabo ni Ebeng Kamote na si Ping Epidemia kasi matindi ang kanilang operasyon sa dayaan-bolahan diyan sa mga place ng Carmona, GMA at Silang. Samantala, si Emil Katimbuang naman ang namamayagpag sa Dasmariñas.

Ang money bagger ni Teddy Kabayo na si Rey Pinalad ay grabe kasi ang kasmala ng oblo nito porke napili nilang lokasyon sa kanilang dayaan-bolahan ang isang bahay malapit mismo sa Dasmariñas PNP.

Ang grupo ni Teddy Kabayo ay may lokasyon sa Kawit, Bacoor at Cavite City.

‘‘Malakas pala ang loob ng dalawang hunghang,’’ anang kuwagong maninisip ng tahong.

‘‘Basta malaki ang hawak mong pitsa kaya mong bumili ng lespu,’’ sabi ng kuwagong Kotong cop.

‘‘Hindi ba alam ng mga Durungoy kupitan ang operasyon ng dalawang hunghang para sila mismo ang mag-report sa General HQ ng mga nangyayari sa kanilang place?’’ tanong ng kuwagong CO2-10 sa Aguinaldo.

‘‘Gago ka pala, paano masasama sa intelihensiya ang mga iyan kung mga tsu-tsu train,’’ sagot ng kuwagong SPO-10 sa Crame.

‘‘Ano ang mabuti?’’

‘‘I-diyaryo ng 3 times a week ang kanilang operasyon. para mabulabog kasi tiyak maraming hihingi ng dagdag.’’

‘‘Korek ka diyan!""

Show comments