Gustong tawagan ng pansin ng mga kuwago ng ORA MISMO ang DOTC at LTFRB para bigyang aksiyon ang mga problema hinggil sa lumalalang colorum buses na bumibiyahe galing Manila papuntang Bicol Region.
Naging isyu nang halos isang linggo sa media ang pagkamatay ng may 33 kataong lulan ng Falcon bus lines sa San Vicente, Tagkawayan, Quezon. Maraming colorum at walang prangkisa ang bumabaybay na mga bus na ang karamihan ay galing Quezon papuntang Manila.
Andiyan at dapat ribisahin ang permiso ng Quezon liner, St. Jude Transit, Irosin Tours, Barney Trans, Mabel Tours, South Star at marami pang iba. Chairman Lantin andiyan lamang ang mga terminal sa Pasay, Cubao at Alabang.
May mga protektor ang mga colorum buses siyempre kaya kailangang i-doble check from time to time ang kanilang ginagawang milagro kasi buhay ng pasahero ang nakataya rito?
Sa munting kaalaman ng mga kuwago ng ORA MISMO ay dapat yatang may nakasulat na linya ang mga bus na bumibiyahe ng Metro Manila patungong probinsiya pero ang mga nakasulat na colorum at outside line na bus ay for provincial operation lamang.
Dapat palang manmanang mabuti ng mga awtoridad ang operation ng mga colorum, sabi ng kuwagong sepulturero.
"Tiyak hindi papayag si Chief Supt. Danny Mangila ng TMG sa puntong ito, sagot ng kuwagong hitad.
Paano si Chairman Lantin?
Siyempre hindi rin siya papayag.
Eh, bakit ang daming colorum?
Siyempre ang daming pitsa.
Iyan korek ka diyan!