Si Campos ay binaril nang walang kalaban-laban. Nakatalikod at patraydor ang ginawang pagtira sa kanya. Sabog ang kanyang bungo, sa uri ng kalibre ng balang pumasok sa ulo niya. Alam nyo na siguro kung ano ang nangyari sa kanyang utak.
Alas-dos ng madaling araw nang tinambangan si Campos. Higit-kumulang, treinta minutos ang lumipas, ayon na rin kay Cabanban, nasa radyo na agad si Mary Ong alyas Rosebud, na nagbibigay ng detalyadong paglalarawan ng nangyari sa kanyang dating ka live-in partner. Paano kaya nangyari ito? Napakabilis naman ng impormante niya. Nagsusumigaw. Naghihisterya. Nag-iiyak. O di kaya, nag-eemote lamang?
SI PING, SI PING! Siya ang may kagagawan nito. Si Ping ay walang iba kundi si Senador Panfilo Lacson. Paano kaya nalaman ni Rosebud? Meron ba siyang bolang kristal gaya ni Madame Auring? Eh, nung nawala nga yung mga apo ni Madame Auring, sa akin sa Calvento Files lumapit si Madame Auring. Hayun, nakuha yung dalawang apo. Nasa Australia.
Pero si Rosebud, walang kurap-matang pinararatangan niya na si Ping Lacson ang nagpatira kay Supt. John Campos. Sabay patak ng mga luha at pahid ng tissue.
Ang ibenebentang istorya ni Rosebud ay si Supt. John Campos daw ay malapit nang bumigay at handa na raw tumestigo laban kina Sen. Ping Lacson, Gen. Reynaldo Acop, Supt. Villaroman at iba pang may kinalaman sa Narco-politics. Kalokohan. Di sana matagal na niyang ginawa ito.
Ang ipinagtataka ko, mga nagbabasa nito, sabi rin ni Rosebud na matagal na silang hindi nag-uusap ni Supt. Campos dahil siyay nasa protection program ng ISAFP ni Colonel Victor Corpus. Saan niya nakuha ang balita at paano? Bakit wala man lang isa sa mga miyembro ng ISAFP ang lumantad upang kumpirmahin ang mga pinagsasabi ni Rosebud? Bakit kaya, Col. Corpus?
Isa pang palaisipan para sa inyong abang lingkod, kung si Supt. Campos ay handa nang lumundag sa kabilang bakod, papunta sa kanilang dako, handa nang ibulgar ang lahat ng kanyang nalalaman laban kina Sen. Ping Lacson, Gen. Rey Acop, Supt. Villaroman (sabihin na nating may ibubulgar nga si Campos), bakit kampanteng-kampante siya? Ni wala ngang dalang baril yung pobre. Kilala niya kung sino ang mga taong ito. Alam niya ang kapasidad ng mga ito. Nagkasama-sama sila sa trabaho ng maraming taon. Bakit wala siyang kaba na ipapapatay siya kung talagang may ibubulgar siya? Masyado ba siyang matapang? Hindi mo naman masasabi na ayaw niyang humawak ng baril. Positive nga si Supt. Campos for powder burns, dahil nag-practice siya ng pagputok ng baril nung umagang yun, o nung araw bago siya namatay. Paano kaya ipaliliwanag ni Rosebud ito? Kahit gaano ka katapang, kung may hakbang kang gagawin na alam mong mapanganib, magsisiguro ka. Magdadala ka ng bakal para kung may titira sayo, makagaganti ka o may matatangay ka, kahit isa lamang. Para may mapag-umpisahan ang imbestigasyon, ang mga alagad ng batas.
Ngayon, love angle naman daw. Dahil bading si Antonio Cabanban at magkakabalikan daw sina John at Rosebud, ito raw ang dahilan kung bakit ipinapatay si Supt. Campos ni Cabanban. Ang gulo. TAMA NA NGA! Teka, totoo bang tatakbo ka Rosebud para senador sa 2004?
Kayo, mga nagbabasa ng CALVENTO FILES, sino sa palagay nyo ang pumatay kay Supt. John Campos. Maaari nyong i-text sa akin sa 09179904918. Maaari rin kayong tumawag sa 7788442 (mula alas-diyes ng umaga hanggang ala-una ng hapon.). Iboboto nyo ba si Rosebud sa pagka-senador?
(Binabati ko sina Jenny, Judith, Jay at Joey Engracia ng New York, U.S.A. at kay Yolly, mapayapang paglalakbay!)