Ilan pang Alvin Valdez ang mabibiktima?

NAKALULUNOS ang naging kamatayan ni Alvin Valdez. Si Alvin, 14, ay pinatay kamakailan sa Access Road na nasa pagitan ng Pasay at Parañaque.

Si Alvin ay mabait at matalino. Marami siyang kaibigan. Outstanding student leader siya sa Merville School. Siya’y second year high school student at president ng kanilang class.

Pauwi na sa kanila si Alvin buhat sa kanilang choir practise nang siya’y holdapin. Nanlaban si Alvin at binaril ng holdaper. Hanggang ngayon ay hindi pa nahuhuli ang killer.

Marami ang umiyak at nanghinayang sa sinapit ni Alvin na sa murang gulang ay naging biktima ng karahasan. Ang mga classmate ni Alvin, guro at estudyante ng Merville School ay kinondena ang pagpatay. Maging ang mga taga-Merville ay nagkilos-protesta dahil hindi lang si Alvin ang nabiktima sa Access Road na pugad ng mga drug addict, snatcher, kidnapper at carnapper. Nananawagan sila sa mga opisyal ng Pasay at Parañaque na kumilos para mahinto na ang krimen sa naturang lugar.

Nananawagan ang BANTAY KAPWA sa mga kaibigang Mayor Peewee Trinidad at Mayor Joey Marquez na umaksiyon kaagad para mabigyan ng katarungan ang pagkamatay ni Alvin Valdez at iba pang biktima ng karahasan.

Show comments