Matatandaan na si Campos ay isa sa mga pulis na idinawit ni Mary Rosebud Ong sa drug trafficking na kinasangkutan ni Lacson noong siyay hepe ng PNP. Si Campos ay isa sa mga pinakamalapit kay Lacson.
Matapos ang pagpatay kay Campos, muling umigting ang pagpapalitan ng akusasyon nina Lacson at Ong. Sinabi ni Ong na nais nang bumaligtad ni Campos at isiwalat ang kanyang nalalaman tungkol sa mga gawain ni Lacson, ngunit tila nanaig sa kanya ang takot at pangamba.
Ayon naman kay Lacson, ang mga paratang ni Ong laban sa kanya ay gawa umano ng Malacañang upang sirain ang kanyang pangalan at hadlangan ang kanyang pagtakbo bilang Presidente.
Ngunit marami ang nagsasabi, maliban kay Ong, na ang pagpatay kay Campos ay isinagawa upang matiyak na walang magiging hadlang sa ambisyon ni Lacson sa pagka-Presidente.
Habang siyay naninilbihan sa pulisya nakilala si Campos bilang walking database para sa PNP patungkol sa drug trafficking at iba pang mga kasong sinusuri ng pulisya.
Ang nalalaman umano ni Campos patungkol kay Lacson ay tila magsisilbing isang mitsa para sa maaaring pagkatalo ni Lacson sa halalan sa 2004.
Sa malagim na pagpatay kay Campos, maituturing nga kayang biktima siya ng narco-politics, na tawag sa pulitikang nakikinabang sa ipinagbabawal na gamot? Hindi na rin kaila sa atin na may mga pulitiko at mga opisyales sa ating pamahalaan ang naiugnay na sa droga, katulad ni Mayor Ronnie Mitra ng Panukulan, Quezon.
Kung totoo man ang hinalang ito, sanay hindi naman mauwi ang ating mga kababayan sa paghalal ng mga taong may kaugnayan sa salot ng lipunan.