Maayos ang pamilya hanggang naging adik sa droga si Ricky. At sa loob ng anim na taong pagdedepende sa droga at ilang beses na pagpasok at paglabas sa center, sa wakas ay idineklara ng Korte na magaling na si Ricky. Subalit hindi pa pala. Nagsumbong kay Elsa ang kanilang mga anak kung saan lagi raw mainit ang ulo ni Ricky. Minsan daw ay nagtutok ito ng baril sa sintido at tinanong ang mga bata kung sino sa kanila ni Elsa ang mas mahal. Mahirap din daw pakisamahan ang kanyang asawa dahil laging irritable at nananakit sa kanya. Kaya, kasama ang tatlong anak, iniwan ni Elsa si Ricky.
Nagsampa ng petisyong habeas corpus si Ricky at hinihiling na ibigay sa kanya ang pangangalaga sa tatlong anak. Sa unang pagdinig ng kaso, pumayag ang mag-asawa na parehong sumailalim sa isang psychiatrist at psychologist na kanilang pinili. Ayon din sa kasunduan, ang resulta ang magiging basehan ng Korte kung kanino ibibigay ang pangangalaga sa mga bata. Nabigyan din si Ricky ng karapatang bumisita sa kanyang mga anak tuwing Sabado at Linggo mula ika-siyam ng umaga hanggang ika-lima ng hapon.
Ayon sa resulta, hindi pa lubos na magaling si Ricky. Gamit bilang basehan, ibinigay ng Korte ang pangangalaga ng mga bata kay Elsa. Sinalungat ni Ricky ang desisyon. Ayon sa kanya, kahit na raw may kasunduan ang mga partido na isumite ang kaso sa desisyon base sa resulta ng eksaminasyon, kinakailangan pa raw ng paglilitis ng mga isyu tungkol sa pangangalaga. Tama ba si Ricky?
Tama. Ayon sa Supreme Court, sa isyu ng pangangalaga at kontrol sa mga bata, patas ang katayuan nina Ricky at Elsa sa kaso dahil ang Korte ang pipili base sa pinakamagandang interes ng bata. Ang bata na may gulang ng lampas sa pitong taon ay hahayaang pumili ng magulang na kanyang sasamahan, pero ang Korte ay hindi aayon kung ang magulang na napili ay walang kakayahan. Isinasaalang-alang din ng Korte ang pisikal, edukasyon, panlipunan at moral na kalagayan ng bata gayundin ang pangkabuhayan, panlipunan at moral na kalagayan ng magulang na sumasalungat.
Nagkaroon dapat ng paglilitis dahil hindi sapat ang resulta ng eksaminasyon ng psychiatrist at psychologist.
Kahit na may nakaraan si Ricky sa paggamit ng droga, hindi pa rin inalam ang kanyang moral, pinansyal at panlipunang kalagayan. Tinutukoy lamang ng resulta ng psychiatrist ang kawalang kakayahan niya sa pangangalaga sa mga bata subalit walang ebidensyang tumutukoy na hindi kaya ni Ricky na suportahan ang mga bata sa kanilang edukasyon pati na ang pagbuo sa kanilang moral at pangkaisipan. Bukod pa rito, ang mga bata ay nasa edad na 14 at 15, kung saan hindi inalam ng Korte ang piniling magulang na sasamahan ng mga bata. Kaya ang kaso ay ibinalik sa Mababang Korte para dingging muli ang kaso. (Laxamana vs. Laxamana G.R. 144763, September 3, 2002)